Inatasan ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ang kanyang commanders na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para palakasin ang seguridad sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Sinabi ni Dela Rosa na malaki ang maitutulong ng barangay security forces at civilian volunteers upang mapalakas ang pagpapatupad ng seguridad sa mga sementeryo, simbahan, at daan patungo sa mga lugar na karaniwang abala tuwing Undas.

“They are important in undertaking focused public safety operations in memorial parks, public cemeteries, columbaria, as well as other public places of convergence in commercial centers, shopping malls, amusement parks and places of worships,” ani Dela Rosa.

Nasa pinakamataas na security alert status ngayon ang pulisya bilang bahagi ng mga hakbang upang tiyakin ang seguridad. Walang tauhan na pinahihintulutang lumiban o magbakasyon sa panahong ito.

Probinsya

13-anyos na babae, hinalay matapos mangaroling

Mag-ingat sa akyat-bahay

Pinatitiyak din ni Dela Rosa ang seguridad sa residential areas, lalo na sa Metro Manila. Madalas na sinasamantala ng mga akyat-bahay ang pagbakasyon ng karamihan sa mga tao sa probinsiya.

“I also appeal to our people to secure the premises of their households before you go out to the cemetery or go for a vacation in the provinces,” paalala ni Dela Rosa.

30,000 pasahero

Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na mahigit 30,000 pasahero ang bumiyahe sa dagat pauwi sa kanilang mga lalawigan para sa Undas.

Sa bilang ng PCG kahapon ng umaga, 29,427 pasahero ang bumiyahe, kabilang ang 9,652 na patungong Central Visayas at 8,823 sa Southern Tagalog.

Inatasan ni PCG commandant Rear Admiral William Melad ang lahat ng Coast Guard units na mahigpit na ipatupad ang safety and security measures sa lahat ng pantalan sa kani-kanilang areas of responsibility.

Code White alert

Isinailalim na ng Department of Health (DoH) sa Code White Alert ang lahat ng mga ospital at regional offices nito sa buong bansa para sa paggunita ng Undas.

Ayon kay Dr. Eric Tayag, tagapagsalita ng DoH, ito’y bahagi ng kanilang paghahanda sa anumang health related incidents sa paggunita ng Araw ng mga Patay.

Idinedeklara ang ‘Code White Alert’ kapag mayroong national event sa bansa. Layunin nitong tiyaking handa ang mga pagamutan at lahat ng kanilang mga tauhan, kagamitang medikal at mga gamot, sa oras ng pangangailangan.

(Aaron B. Recuenco, Argyll Cyrus B. Geducos at Mary Ann Santiago)