“MGA na-bypass na cabinet members, ire-reappoint,” wika ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella. Labinlimang pangunahing appointees ni Pangulong Digong sa kanyang gabinete ang hindi pinalusot ng Commission on Appointments. Ang naringgan ko lang na nagbigay ng dahilan ukol sa hindi pagkakalusot ni Department of Transportation Secretary Art Tugade ay si Magdalo Party List Representative Gary Lejano. Hindi raw nito napaluwag ang traffic kahit mahigit 100 araw na silang nasa puwesto. Mababaw itong dahilan. Iyong bigat ng problemang ito na ipinamana ng nakaraang administrasyon ay nangangailangan ng panahon at radikal na pamamaraan para malutas ito. Tungkol sa mga iba, walang kahit sino ang nagpaliwanag sa ginawang ito ng CA.
Sa unang pagkakataon ay nabigo si Pangulo Digong sa gusto niyang mangyari. Pero, ipipilit pa rin niya ito dahil, ayon kay Abella, hihirangin niyang muli ang mga opisyal na tinanggihan na ng CA. Hindi sanay na hinihiya at sinasalungat ang Pangulo dahil ito ang ugaling nakuha niya sa matagal niyang panunungkulan sa Davao. “America, go to hell. Obama, go to hell” Matapang na sinabi niya ito sa galit niya sa Amerika at kay Pangulong Obama dahil sa pakikialam daw ng mga ito sa kanyang pakikidigma sa droga. Napagdiskitahan pa nga niya ang pamamalagi ng mga sundalong Kano sa Mindanao at ang ginagawa nilang military exercise kasama ang ating mga sundalo sa bansa. Pinauuwi na niya ang mga ito at pinatitigil na ang kanilang joint military exercise.
Ang Commission on Human Rights ay kanyang minura at nilait nang ipilit nito na igalang niya ang karapatan sa due process at human rights ng mga taong pinapatay na umano ay gumagamit at tulak ng droga. Nilait niya si Chief Justice Sereno ng Korte Suprema nang ipaalala sa kanya ang kahalagahan ng sa pagsunod sa batas. Maging si Sen. Leila de Lima ay hindi niya tinantanan dahil binatikos nito ang extrajudicial killing. Nakasama pa ng Pangulo ang House Committee on juctice and human rights laban kay De Lima nang magsagawa ito ng imbestigasyon tungkol sa bentahan ng droga sa Bilibid Prison nang Secretary of Justice pa ang senadora. Binanggit pa niya na ang karelasyon ng senadora na kanyang driver-bodyguard ang kumokolekta ng mga perang kinita sa shabu na ginamit niya sa kanyang kampanya sa pagka-senador.
Hindi tulad ng House committee on justice and human rights at Senate committee on justice and human rights kung saan pinatalsik ng kanyang mga... kaalyadong senador si De Lima bilang chairperson nito at inabsuwelto siya sa extrajudicial killing, hindi niya basta-basta mahihila kung saan niya gustong dalhin ang CA. Binubuo ito ng mga kongresista at senador na may kanya-kanyang interes. Mumurahin ba niya ang mga ito, lalaitin at ibibisto ang kanilang hindi magandang record dahil ayaw aprubahan ang kanyang mga hinirang? O kaya, pakikiusapan niya sila na may kapalit?
(Ric Valmonte)