MAY plano pala ang Senado na imbestigahan ang isyu tungkol sa tinatawag na “paid trolls” sa Internet. Ang trolls ay mga taong binabayaran ng mga indibiduwal, pulitiko, negosyante, Heneral at iba pa upang maghamon at mang-away sa kapwa tao sa pamamagitan ng social media, gaya ng Facebook, Twitter, at YouTube. Sa kanilang mga post, pinupuri at ipinagtatanggol ang mga tao na nagbabayad sa kanila.

Nais ni Sen. Paolo “Bam” Aquino IV na magsagawa ng imbestigasyon upang masugpo at mapigil ang mga “bayarang trolls” na nagsusulat ng mga mapang-abusong salita laban sa netizens na bumabatikos sa kanilang mga amo o nagbabayad sa kanila. Ang mga troll na ito ang nagkakalat ng misinformation, disinformation upang iligaw at siraan ang mga kritiko ng kanilang amo.

Naniniwala si Bam Aquino na dapat maturuan ang mga paaralan at estudyante para maging responsable sa paggamit ng social media upang ang katotohanan ang kanilang mabasa sa Facebook, Twitter at YouTube sa halip na kasinungalingan, paninira at character assassination.

Sa pagyao ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, ang Tigre ng Senado at ang Iron Lady of Asia, nawalan ang Pilipinas ng isang magaling, matalino at matapang na mambabatas. Hindi siya nangingiming ilahad ang nalalaman o nadarama sa bulwagan ng Senado basta may kinalaman sa kabutihan ng bayan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Makulay ang kanyang lengguwahe, nakikipagtagisan sa kapwa senador at maging sa pangulo ng bansa kung sa palagay niya ay lihis at hindi akma ang ginagawa. Samantala, sa Israel, pumanaw na si ex-Pres. Shimon Peres sa edad na 92. Matagal na naging lider ng Israel si Peres. Sa kanyang pagyao, nawalan ang Israel ng isang magaling at dakilang presidente.

Alam ba ng ating mga kababayan na may $1.3 billion worth ng foreign portfolio o kung tawagin ay “hot money” ang umalis sa Pilipinas sa unang tatlong linggo ng Setyembre?

Ayon sa mga ulat, ang “paglayas” ng “hot money” o foreign funds (dayuhang puhunan) ay bunsod ng negatibong sentimyento ng mga investor sa ating bansa. Batay sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nasa $1.27 billion foreign funds ang inalis sa markets mula Setyembre 1-16, samantalang ang inflow o pumasok ay $567.14 million lang.

Hindi naniniwala ang mga fiscal at economic adviser ni President Rody na nangyayari ito dahil umano sa pakikipagkagalit niya sa US, UN at EU at pagkiling naman ngayon sa China at Russia. (Bert de Guzman)