Kasunod ng pagkumpirma ng Department of Health (DoH) na may dalawang bagong kaso ng Zika sa Metro Manila, inatasan na ni Manila Mayor Joseph Estrada ang lahat ng ospital at health emergency units na maging alerto at handa sa posibleng pagtama na rin ng virus sa lungsod.
Nanawagan ang alkalde sa 1.7 milyong Manilenyo na pag-aralang mabuti kung paano makakaiwas sa Zika.
Tiniyak naman niya na handa ang anim na pampublikong ospital at 59 health centers ng lungsod hinggil sa mga sakit na dala ng lamok tulad ng Zika, dengue, at Chikungunya.
Una nang kinumpirma ng DOH na isang 27-anyos na babae sa Mandaluyong at isang 42-anyos na lalaki sa Makati ang nagkaroon ng Zika virus.
Dahil dito ay umabot na sa 17 ang bilang ng Zika infections sa bansa na naitala ngayong taon.
Ang iba pang kaso ng sakit ay naitala sa Muntinlupa, Iloilo City, Cebu City at Antipolo City. (MARY ANN SANTIAGO)