Arestado ang isang senior citizen na hinihinalang drug pusher matapos siyang inguso ng sinusuplayan niya ng droga, at nakumpiskahan siya ng mahigit R330,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City, nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay Senior Supt. Johnson Almazan, hepe ng Caloocan City Police, paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isinampa kay Gasanara Baranbangan, 63, ng Phase 12, Tala, Barangay 183, Caloocan City.
Nauna rito, nadakip ng mga tauhan ng Station-Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) si Raymart Salonga, 22, ng Bagong Silang, Caloocan City, noong Miyerkules ng gabi, at narekober sa kanya ang nasa limang gramo ng shabu at P1,000 marked money.
Ikinanta naman ni Salonga na si Baranbangan ang nagsu-supply sa kanya ng shabu.
Dakong 5:00 ng hapon nitong Biyernes nang ikinasa ng grupo ni Almazan ang buy-bust operation sa loob ng Shop and Ride terminal market sa Novaliches, Quezon City.
Kaagad na dinamba ng mga pulis si Baranbangan nang abutin nito ang marked money mula sa poseur buyer.
(ORLY L. BARCALA)