SI Adolf Hitler ay kilalang Nazi leader, pangulo at diktador ng Germany noong World War II. Siya ang makapangyarihang pinuno ng mundo noon. Nais niyang masakop ang mga bansa sa daigdig bilang kataas-taasang lider ng buong mundo. Batay sa rekord, pumatay siya ng mahigit sa tatlong milyong Jews (Hudyo) sa kasagsagan ng kapangyarihan at kasikatan.

Nang dumating si President Rodrigo Roa Duterte mula sa 2-araw na pagbisita sa Vietnam, binanggit niya na kung si Hitler ay nakapatay ng milyun-milyong Hudyo at iba pang tao noon, siya man daw ay handang pumatay ng tatlong milyong adik sa Pilipinas upang mailigtas sa addiction ang kabataan at ang susunod na henerasyon sa salot ng bawal na droga.

Sinabi ni Mano Digong na pumatay si Hitler ng maraming Hudyo dahil galit siya sa pag-angkin ng mga ito na superyor ang lahi nila (Jews) kaysa Germany. Siya naman ay magtutumba ng mga drug pusher, user at drug lord sa ‘Pinas.

Nagagalit at napipikon siya sa sunud-sunod na banat sa kanya ng US, UN, European Union tungkol sa umano’y human rights violations at extrajudicial killings. Gayunman, hindi raw siya dapat ikumpara kay Hitler dahil ang sinusugpo niya ay mga pusher, user at adik. Humingi na ng apology si RRD sa Jewish community.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nangangamba ang US, EU at UN sa umiiral na sitwasyon sa bansa dahil mahigit na umano sa 3,000 pusher, user at iba pang taong nadamay lamang sa “drug war” ang naitumba sa katwirang sila ay nanlaban sa mga pulis gayong ang armas nila ay .38 cal. pistol lang kontra sa high-powered firearms ng raiding teams.

Binira rin ni Mano Digong ang US, UN, EU bilang mga ipokrito dahil kahit nakadapa na sa lupa ang mga black American (Negro) ay pinagbabaril pa, samantalang ang UN at EU naman ay hinahayaang mangamatay ang migrants na tumatakas mula sa Syria, Libya, at Iraq.

Nagtatanong ang mga netizen at maging ang publiko kung bakit ayaw makipag-usap ni Duterte kay high-profile inmate Jaybee Sebastian gayong hinarap at kinausap niya noon ang umano’y drug lord na si Peter Lim sa Malacañang of the South sa Davao City. Winarningan pa niya noon si Lim na “He will die” paglabas nito sa eroplano mula sa NAIA.

Nais daw ni Jaybee na mismong si RRD ang makausap upang ilahad ang nalalaman sa New Bilibid Prison (NBP). Naghihinala tuloy ang mga tao na ayaw niyang kausapin si Sebastian dahil baka itanggi nito na sangkot si Sen. Leila de Lima sa illegal drug trade sa NBP na taliwas sa ipinahayag ng mga convicted inmate na iniharap ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II sa Kamara. Habang isinusulat ko ito, hindi ko alam ang huling mga pangyayari. (Bert de Guzman)