Sugatan ang isang security guard matapos hagisan ng granada ng isang lalaki ang tindahan ng prutas sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Sugat sa paa ang inabot ni Romualdo Ramos, guwardiya ng Winsie Enterprises na isa ring tindahan ng prutas na matatagpuan sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Arnaldo Bernardo, ng Manila Police District (MPD)- Station 11, dakong 3:20 ng madaling araw nangyari ang insidente sa harapan ng tindahan na pagmamay-ari umano ni James Choi.

Sa salaysay sa pulisya ni Lamberto Busalpa Jr., 40, family driver ng Winsie Enterprises, natutulog umano siya nang magising dahil sa nakabibinging pagsabog.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nang kanya umanong tingnan ay nakita niyang namimilipit sa sakit si Ramos kaya kaagad niya itong isinugod sa ospital upang malunasan.

Ayon kay PO3 Alejandro Pancho, ng Explosive Ordinance Division (EOD), narekober sa pinangyarihan ang safety lever ng MK2 Fragmentation Hand Grenade.

Nadiskubre rin ng mga pulis, base sa closed-circuit television (CCTV) camera ng Barangay 281, Zone 26, na nakasuot ng puting t-shirt, maong pants at sombrero ang suspek na tumakas sakay sa motorsiklo na nanggaling sa Ilang-Ilang Street at minamaneho ng isang lalaking nakasuot ng crash helmet.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)