MAIHAHALINTULAD ang tagumpay ng Ang Probinsiyano sa all-time blockbuster na The Ten Commandments na isang taong ipinalabas sa Galaxy Theater (sa Avenida Rizal) limang dekada na ang lumipas. Five pesos ang presyo ng ticket at pinalalabas ang mga tao after every screening.
Ganap nang one year ang nakalilipas simula nang umere ang television adaptation ng klasikong pelikula ni Fernando Poe, Jr. Walang sawang sinubaybayan ang bawat kapana-panabik na kabanata nito na sumasalamin sa buhay ng pulis na si Cardo. Ito ang teleserye na lalong nagbigay ningning sa acting career ni Coco Martin na ang pagkakapili para gampanan ang title role ay sadyang iginuhit ng tadhana. At kung balang araw ay gagawa ng aklat si Coco, tiyak na ang isang buong kabanata ay ilalaan sa maraming biyayang idinulot ng Ang Probinsyano sa kanyang career.
Phenomenal at mahirap lagpasan ang rating ng Ang Probinsyano na nagtala na super taas na 46.7% noong nakaraang Pebrero. Umani ito ng mahigit 11.7 million views sa iWantTV, patunay ng tagumpay nito maging sa online world.
Kinilala at pinarangalan ng Kongreso ang FPJ’s Ang Probinsyano para sa pagpapalaganap nito ng crime awareness at prevention at inendorso si Coco upang maging “Celebrity Advocate for a Drug-Free Philippines.
Sadyang malayo pa ang lalakbayin ng Ang Probinsyano bilang pangunahing primetime bida sa telebisyon.
Bilang pasasalamat, isang engrandeng pagtitipon ng mga bituin ang ginanap kagabi sa Araneta Coliseum. tampok ang entire cast at mga pangunahing love teams ng Kapamilya Network sa natatanging production numbers. (Remy Umerez)