MAGANDA ang pasok ng ber months para sa ABS-CBN sa naitalang average national audience share na 46% nitong September kumpara sa GMA-7 na pumalo naman sa 33%, base sa pinakahuling survey data ng Kantar Media.

Walo sa top ten na programs sa bansa noong nakaraang buwan ay mula sa ABS-CBN, sa pangunguna pa rin ng FPJ’s Ang Probinsyano na may average national TV rating na 39.2%. Kasalukuyang ipinagdiriwang ng programa ang una nitong anibersaryo sa ere.

Sinundan ito ng bagong paborito sa weekend na Pinoy Boyband Superstar (34.5%) na naglalabanan sa paguwapuhan ang talented na mga binata para sa pangarap at pamilya, at ng fantasy drama na Wansapanataym (34.2%).

Nananatiling nangungunang newscast ang TV Patrol (33.1%) kumpara sa kalaban nitong 24 Oras (22.6%)

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Agad namang nakuha ng kalulunsad lang na Magpahanggang Wakas ang ikawalong puwesto sa average national TV rating na 25.2%. Inaabangan na ng sambayanan ang kahahantungan ng pag-iibigang Aryann (Arci Muñoz) at Waldo (Jericho Rosales).

Kabilang din sa top ten ang MMK (31.5%), Goin Bulilit (27.2%), at Home Sweetie Home (26.8%).

Samantala, mas patok naman sa mga manonood ang It’s Showtime at nagtala ito ng average national TV rating of 18.1% kontra Eat Bulaga na may 13.0%.

Pagdating naman sa online video-on-demand service na iWant TV, pinakapinanood ang Till I Met You, Pinoy Big Brother Lucky Season 7, FPJ’s Ang Probinsyano, Doble Kara, at The Greatest Love.

Mas tinututukan pa rin ang Primetime Bida ng ABS-CBN sa pumalo sa national audience share nitong 49% kontra 33% ng GMA. Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock dahil sa mga oras na ito pinakamarami ang nanonood kaya’t dito naglalagay ng patalastas ang karamihan sa advertisers para maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa.

(ADOR SALUTA)