NAKAKAISANDAANG araw na si Pangulong Digong sa kanyang puwesto. Nakaugalian na ang panahong ito ay ipinagkakaloob sa sinumang uupong Pangulo na ipakita niya ang sarili niyang pamamaraan ng pagpapatakbo ng gobyerno. Nasa kanya ang luho ng oras upang ilagay ang pundasyon ng kanyang pamamahala sa loob ng kanyang termino. Kaya inuunawa siya at magaang siyang tinatrato ng mga mamamayan at ng media.

Kaya lang nga, simula pa lang ng kanyang termino ay matinding batikos na ang kanyang kinaharap mula sa ilang sektor ng lipunan. Maging ang mga banyaga, partikular na ang Amerika at United Nations, ay nakilahok na rin sa pagkondena sa kanyang ginagawa. Paano kasi, pagpatay ng tao ang kanyang ginawa sa layuning niyang tuparin sa taumbayan ang ipinangakong susugpuin ang lumalalang krimen sa bansa sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Bagamat binigyan siya ng mamamayan ng mataas na approval rating dahil nakaramdam sila ng katahimikan sa loob ng isandaang araw mula nang siya ay maupo, napakahirap naman para sa iba na sikmurain ang araw-araw na pagpatay. Ang mga biktima, lalo na iyong mga natatagpuan sa mga kalye at dukhang lugar, ay mga sangkot umano sa ilegal na droga.

Kapag tinunton mo ang puno’t dulo nito, makikita mo ang pagkakasala ng nauna kay Pangulong Digong. Sa administrasyon ni dating Pangulong Noynoy lumala ang peace and order ng bansa. Ang problema sa droga na nilulutas ni Pangulong Digong sa dulo ng baril ay naging matindi dahil ginawang negosyo ang droga ng mga taong gobyerno sa kanyang panahon.

Naging industriya itong palabigasan nila na walang pakialam sa idinudulot na perhuwisyo sa taumbayan.

Wala ring pagkakaiba ito sa problema sa trapiko na napakabigat na pasanin ng mga mamamayan. 9Ric Valmonte)