GENERAL SANTOS CITY – Binatikos ng pamunuan ng militar ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagsasagawa ng serye ng pambibihag sa mga opisyal ng barangay at mga negosyante sa malalayong bayan ng Sarangani at Davao Occidental.
Sinabi ni Lt. Col. Ronnie Babac, commander ng 73rd Infantry Battalion, na sinasamantala ng mga lokal na rebelde ang isinasagawang negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa pagpapaigting ng ilegal na operasyon ng mga ito sa Sarangani at Davao Occidental.
Ang modus ng NPA, aniya, ay ang imbitahan ang mga bibiktimahin sa isang dayalogo at kapag naroon na ay hindi papayagang umuwi kung hindi magbabayad ng ransom.
Ayon kay Babac, ito ang ginawa ng NPA, sa pamumuno ng isang Kumander L3, kay Romeo Mansiguil, kagawad ng Barangay Datal Anggas sa Alabel, Sarangani, nitong Setyembre 27.
Pinalaya si Mansiguil nitong Oktubre 2 makaraang magbayad ng P50,000 cash at magbigay ng isang baril sa mga bumihag sa kanya.
Sinabi ni Babac na binihag din ng NPA, sa pamumuno ng isang Kumander Joey, ang dalawa pang kagawad ng Bgy. Datal Anggas na sina Franklin Baab at Toledo Calibay, makaraang imbitahan sa isang dayalogo sa Sitio Tangis sa nasabing barangay.
Gayunman, hindi rin pinayagang umuwi ang dalawa matapos akusahang mga impormante ng militar, at pinalaya lamang matapos magbigay ng P25,000 cash at isang M-16 armalite rifle sa mga rebelde.
Iniulat din ni Babac ang pag-iimbita ng NPA sa negosyanteng si Jun Opong, taga-Bgy. Little Baguio, Malita, Davao Occidental sa isang dayalogo sa Bgy. Upper Suyan, Malapatan, Sarangani noong Agosto, at pinauwi lang makaraang magbayad ng P12,000, na tawad sa P20,000 na unang hiningi ng mga rebelde. (JOSEPH JUBELAG)