ZAMBOANGA CITY – Dinakip ng pulisya ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na inatasang dukutin ang isang negosyanteng Filipino-Chinese sa siyudad na ito, sa loob ng isang pension house dakong 3:00 ng hapon nitong Lunes.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO)-9 Director Chief Supt. Billy Beltran ang mga naaresto na sina Abdel Dela Cruz, 27; Jabar Ignohasim y Sampang, 24, kapwa ng Jolo; at Abdulla Yusup y Bakil, 27, ng Talipao, Sulu.

Inaresto sa bukana ng Atilano Pension House sa Barangay Canelar Street, ang tatlo ay miyembro ni Commander Alhapsi Misaya, ng Abu Sayyaf-Sulu.

Ayon sa report kay Beltran, inatasan ni Misaya ang tatlo na maghagis ng mga granada sa RT Lim Boulevard sa kasagsagan ng selebrasyon ng Fiesta Pilar, at dukutin ang isang negosyanteng Filipino-Chinese na taga-Barangay Pasonanca.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ipinagdiriwang ng Zamboanga City ang kapistahan ng Nuestra Señora La Virgen del Pilar simula Oktubre 1 hanggang 15.

Nakumpiska kay Dela Cruz ang isang .45 caliber pistol na kargada ng mga bala at tatlong magazine na may mga bala, nakuha naman mula kay Ignohasim ang backpack na may tatlong granada, detonating cord, time fuse at dalawang non-electric blasting caps, habang isang sling bag na may isang granada ang nabawi kay Yusop. (Nonoy E. Lacson)