PANTABANGAN, Nueva Ecija - Sa kabila ng tatlong magkakasunod na bagyong pumasok at nanalasa sa North Luzon, bahagya lang na tumaas ang water level sa Pantabangan Dam.
Ito ang nabatid ng Balita mula kay Engr. Olympio Penetrante, hepe ng water management core ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS), sinabing hindi sumapat ang mga pag-ulan para mapataas ang tubig sa Pantabangan Dam at mapatubigan ang kabuuang 113.74 na ektaryang bukirin sa probinsiya.
Sa kasalakuyan, may 5,000 ektaryang bukirin pa lang ang napag-aanihan at higit na mas kailangan ang mataas na water level sa dam para mapatubigan ang may 110,000 ektaryang bukirin para sa susunod na season cropping, o “Palagad”, na magsisimula sa mga susunod na buwan.
Kaugnay nito, hinihiling ng pangasiwaan ng UPRIIS sa National Irrigation Administration (NIA) na magsagawa ng cloud seeding, partikular sa watershed area ng Pantabangan. (Light A. Nolasco)