Inirekomenda kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang paglikas ng mga residenteng malapit sa Tullahan River dahil sa posibleng pag-apaw ng La Mesa Dam sa Quezon City, bunsod ng patuloy na pag-ulan.

Ito ay matapos isailalim sa red alert status ang nasabing water reservoir makaraang maitala ang 79.94 meters na water level nito na malapit nang maabot ang spilling level na 80.15 meters.

Bukod sa Quezon City, posible ring maapektuhan ng pag-apaw ang Malabon at Valenzuela, gayundin ang 15-kilometer na Tullahan River, na magmumula sa La Mesa reservoir at dadaan sa Malabon at Valenzuela patungong Manila Bay.

Samantala, posibleng pumasok ngayong weekend sa Pilipinas ang isa pang bagyong may international name na ‘Chaba’ na huling namataan sa bisinidad ng Luzon na nasa labas pa ng Philippine area of responsibility (PAR). (Rommel P. Tabbad)

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3