ramirez-copy

Ramirez, sumungkit ng ikalawang ginto sa Asian Beach Games.

DANANG, VIETNAM – Tinanghal na kauna-unahang Pinay na nakasungkit ng dalawang gintong medalya sa Asian Beach Games si Annie Ramirez.

Nakamit ni Ramirez, kampeon noong 2014 edisyon sa -60 kg division, ang ikalawang ginto sa torneo at ikalawa para sa bansa sa 2016 Asian Beach Games, nang gapiin si Deepudsa Siramol, 10-0, sa women’s -55 kg. class ng jiu-jitsu.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Nadomina ni Ramirez ang laban mula simula hanggang sa huli para maitala ang one-sided win at makopo ang isa pang tagumpay para sa Team Philippines sa biennial meet.

Nitong Linggo, nakopo ni Meggie Ochoa ang unang gintong medalya para sa delegasyon.

Sinimulan ni Ramirez ang kampanya sa impresibong panalo kay Angelina Flippova ng Turkmenistan sa quarterfinals bago nanaig kay Lea Farhat ng Lebanon.

Bunsod ng panalo, tumibay ang kampanya ng Team Philippines sa natipong dalawang ginto, isang silver at anim na bronze medal.

Naidagdag ang dalawang bronze nina Jenina Napolis sa women’s -60 kg division at Apryl Eppinger, dating miyembro ng national cycling team, sa women’s -62kg class.

Nakamit naman nina Lloyd Dennis Catipon, Helen Dawa, at Jenielou Mosqueda ang bronze medal sa kurash, habang pangatlo ang beach sepak takraw women’s trio nina Josefina Maat, Gelyn Evora, at Deseree Auto.

Ipinahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Charles Maxey, head ng delegation, higit na tumaas ang morale ng mga atleta bunsod ng panibagong tagumpay ni Ramirez.

“Malaking bagay ito para sa ating mga atleta. Mas tumaas yung morale nila at talagang pursigidong umuwi na may medalya,” pahayag ni Maxey.