Nakatuon ang atensiyon ng Philippine Sports Commission (PSC) sa matagumpay na kampanya ng Team Philippines batay sa isinusulong na ‘long term’ program na Philippine Sports Institute (PSI).

Ito ang inihayag mismo ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez sa mga dumalo sa National Consultative Meeting On Development Plan for Philippine Sports and Set-up of Philippine Sports Institute kahapon sa Multi-Purpose Arena ng PhilSports sa Pasig City.

“We will not be distributing supplies anymore, wala na ang mga bola at equipment kundi bibigyan namin kayo ng programa na pangangasiwaan ng technical expert na kukunin ng PSI,” pahayag ni Ramirez.

Ilan sa nagpahayag ng pagsuporta sina 1 PacMan Representative Mikee Romero, Senador Juan Edgardo Angara, Zamboanga City Governor Antonio Cerilles, Ormoc City Mayor Richard Gomez at dating PSC Chairman Aparicio Mequi habang dumalo rin ang buong liderato ng POC.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nangunguna sa listahan ng PSC ang paglarga ng Philippine National Games na nakatakdang ganapin sa Disyembre 1-5, gayundin ang Batang Pinoy sa Disyembre 8-15 sa Dumaguete City.

Ipagpapatuloy din ng PSC ang pagsasagawa ng Laro’t-Saya sa Parke na ginaganap kada Sabado at Linggo sa 20 lugar sa buong bansa at ang Women In Sports na programa para sa kababaihan.

Makakasama nito ang Walk-A-Mile for Senior Citizens pati na ang pakikipagtulungan nito sa Palarong Pambansa at BIMP-EAGA Friendship Games at Mindanao Games.

Hindi rin isasantabi ang programa sa mga atletang may kapansanan, gayundin ang pagsasagawa ng Indigenous Games, Sports for Peace, Games for Children, at Anti-Drug Education Program. (Angie Oredo)