Naisalba ng Arellano University ang matikas na pakikihamok ng Mapua Institute of Technology para maitakas ang 95-82 panalo at patatagin ang kampanya para sa kauna-unahang kampeonato sa NCAA seniors basketball championship.
Nagsalansan si Jiovani Jalalon sa naiskor na 35 puntos, habang nagsalpak ng 13 three-pointer ang Chiefs sa San Juan Arena para mapadapa ang Cardinals at selyuhan ang ‘twice-to-beat’ na bentahe sa Final Foul.
Tangan ang 14-3 karta, wala nang kawala sa Arellano ang unang dalawang puwesto sa susunod na round.
Nakihamok ang Cardinals sa nailargang 12-2 run para idikit ang iskor sa 75-74 matapos mabaon sa siyam na puntos may 6:12 sa final period.
Ngunit, nabigo ang Mapua na maagaw ang bentahe nang maisalpak ni Donald Gumaru ang back-to-back jumper para sindihan ang 19-1 bomba na muling nagpalobo sa bentahe sa 93-76.
Nag-ambag si Kent Salado sa Arellano sa naiskor na 15 puntos, pitong rebound at pitong assist.
Nanguna sa Mapua si CJ Isit sa nakubrang 25 puntos, habang kumana si Allwell Oraeme ng 13 puntos at 20-rebound.
Bumagsak ang Cardinals sa 11-6 marka.
Iskor:
Arellano (95) – Jalalon 35, Salado 15, Gumaru 15, Cadavis 7, Flores 6, Canete 5, Enriquez 4, Nicholls 3, Meca 3, Villoria 2, Holts 0, Aguilar 0
Mapua (82) – Isit 25, Menina 16, Oraeme 13, Eriobu 8, Orquina 7, Raflores 6, Estrella 3, Aguirre 2, Serrano 2, Victoria 0, Bunag 0
Quarterscores:
16-13, 45-35, 67-63, 95-82