Hindi na magigising pa sa mahimbing na pagkakatulog ang isang lalaki na kilala umanong lulong sa ipinagbabawal na gamot sa kanilang lugar matapos pagbabarilin ng ‘di kilalang suspek sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.

Isinugod pa ng kanyang mga kapitbahay sa Ospital ng Sampaloc ngunit nasawi rin si Ismael Caimoy, 41, messenger, at residente ng 825 Leyte del Sur Street sa Sampaloc dahil sa tinamong tama ng bala sa sentido at pisngi.

Agad namang tumakas ang suspek na inilarawang nakasuot ng berdeng jacket, maong pants, bull cap at armado ng ‘di pa tukoy na kalibre ng baril.

Ayon kay SPO1 Bernardo Cayabyab, ng Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ng Manila Police District (MPD), dakong 3:13 ng hapon nangyari ang krimen habang natutulog ang biktima sa ibabaw ng lamesa, sa loob ng garahe ng kanyang tahanan.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Napanood sa closed-circuit television (CCTV) camera pagpasok ng suspek sa bahay ni Caimoy, gayundin ang kanyang pagtakas.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)