GLASGOW, Scotland (AP) — Napanatiling buhay ang kampanya ng Great Britain sa Davis Cup semifinal tie kontra Argentina nang magwagi ang tambalan nina Andy at Jamie Murray sa doubles event para makadikit sa 1-2 nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Ginapi ng magkapatid na Murray ang tambalan nina Juan Martin del Potro at Leonardo Mayer, 6-1, 3-6, 6-4, 6-4, sa harap nang nagbubunying home crowd sa Glasgow.
Bunsod ng panalo, magiging bakbakan ang reversed singles sa pagitan nina Andy Murray at Guido Pella, gayundin ang sagupaan nina del Potro at Kyle Edmund.
“Two-one down is a tough position to be in,” pahayag ni Andy Murray. “But we are closer than we were at the start of the day and I still believe we can come back.”
Nagbalik sa center court sina Del Potro at Murray matapos ang klasikong duwelo sa singles match na pinagwagihan ng Argentinian nitong Biyernes na tumagal sa limang oras at pitong minuto.
Hindi inaasahan na lalaro si Del Potro sa naturang laban dahil sa natamong injury, ngunit nagbago ang desisyon ni Argentina captain Daniel Orsanic.
“As soon as we heard Juan Martin was coming in, they showed their cards, that they wanted to finish the tie today,” pahayag ni Britain captain Leon Smith.
Tangan ng Murrays ang 6-0 record sa Davis Cup doubles.
Ang magwawagi rito ay uusad kontra sa magwawagi sa pagitan ng Croatia at France.
Sa New Delhi, nakabalik sa Davis Cup World Group ang Spain matapos walisin ang India sa kanilang duwelo.
Pinabagsak ng tambalan nina Grand Slam champion Rafael Nadal at Marc Lopez sina Leander Paes at Saketh Myneni, 4-6, 7-6 (2), 6-4, 6-4, sa doubles match para kumpletuhin ang 3-0 dominasyon.
“For us it was a very important confrontation after two years being away from the World Group. It’s important for us to come back to where we think we have to be,” sambit ni Nadal.
Nauna rito, nagwagi si David Ferrer kay Myneni, habang namayani si Feliciano Lopez kontra Ramkumar Ramanathan.
Sa Zadar, Croatia, kinaldag ng tambalan nina Marin Cilic at Ivan Dodig sina Nicolas Mahut at Pierre-Hugues Herbert, 7-6 (6), 5-7, 7-6 (6), 6-3 para ibigay sa Croatia ang 2-1 bentahe laban sa France.