Pinatawan kahapon ng Sandiganbayan ng six-month preventive suspension without pay si incumbent Kauswagan, Lanao del Norte Mayor Rommel Arnado at dalawa nitong security officer kaugnay ng pag-demolish ng mga ito sa bahay ng isang residente sa lugar noong 2013.
Bukod kay Arnado, sinuspinde rin sina Rey Camanian at Lauro Diputado matapos mapatunayan ng anti-graft court na nagkasala ang mga ito sa reklamong grave abuse of authority, na isang kasong administratibo.
Kinasuhan din ang tatlo ng grave coercion at tatlong bilang ng malicious mischief, alinsunod sa Revised Penal Code.
Batay sa record ng kaso, nagtungo sa Barangay Tacub ang mga tauhan ng Kauswagan Police, kasama si Arnado, at puwersahan umanong pinasok ang ilang bahay na pag-aari ni Ibra Sambuat, at giniba ang mga ito noong 2013.
Ayon kay Sambuat, walang hawak na court order ang grupo ni Arnado nang magsagawa ang mga ito ng demolisyon.
“It appears that respondent Arnado as the municipal mayor, and respondents Camanian and Diputado, committed acts constitutive of oppression in the discharge of their respective functions. By means of threats, violence, or intimidation and without legal authority, they prevent complainant and his family from enjoying their properties,” ayon sa ruling ng Sandiganbayan. (Rommel P. Tabbad)