Torre, kumikig sa World Chess Olympiad.

Pinatunay ni Eugene Torre, kauna-unahang Asian player na naging Grandmaster, na hindi balakid ang edad sa chess.

Tulad ng alak na mas tumitindi sa pagdaan ng panahon, kinaldag ng 64-anyos na si Torre ang mga karibal sa 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.

Naitala ni Torre ang siyam na panalo at dalawang draw – pinakamatikas na kampanya sa individual play – ngunit, sapat lamang ang nagawa para sa bronze medal batay sa bagong regulasyon kung saan ibinabatay na sukatan ang ‘highest performance rating’.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakuha ni Fil-Am Wesley So, naglaro sa US Team matapos magmigrante ilang taon na ang nakalilipas, ang gintong medalya sa Board 3 tangan ang performance rating na 2896, kasunod sina GM Zoltan Almasi ng Hungary (2845) at Torre (2836).

Ito ang kauna-unahang medalya ni Torre sa prestihiyosong torneo mula nang makamit ang silver medal noong 1974 edition sa Nice, France kung saan nakamit niya ang GM title.

Sa nakamit na bronze, nabigyan ni Torre ng dangal ang Team Philippines na nabigong makapasok sa Top 10.

Ginapi ni Torre si International Master Moulthun Ly, ngunit nabigo ang Pinoy sa Australia, 1.5-2.5, sapat para malaglag ang Team Philippines sa ika-58 sa overall standings tangan ang 12 match point.

Nakatabla si GM Julio Catalino Sadorra kay GM David Smerdon sa top board, ngunit nabigo sina GMs John Paul Gomez at Rogelio Barcenilla, Jr. kontra GM Zhao Zong Yuan at IM Anton Smirnov sa Board Two at Three, ayon sa pagkakasunod.

"We're excited about the future especially in women's chess," sambit ni GM Jayson Gonzales, NCFP executive director at women's team captain.

Tumapos naman ang 46th seed na Philippines Women’s Team na ika-34th puwesto mula sa kalahok na 140 bansa kahit nabigo kontra sa 12th seed Lithuania, 1-3.

Nabigo ang bagong WGM na si Janelle Mae Frayna (2281) kontra GM Viktorija Cmilyte (2536) na nasundan ni WIM Jan Jodilyn Fronda (2128) laban kay IM Deimante Daulyte (2421) at si WFM Shania Mae Mendoza (1965) kontra kay WFM Daiva Batyte (2189).

Tanging nagawang magwagi ni WIM Catherine Secopito (2119) kay WIM Salomeja Zaksaite (2298) na sumagip sa huling kampanya ng women’s team. (Angie Oredo)