PH men’s at women’s chess team, umarangkada sa Olympiad.

Maging ang karamdaman ay hindi magiging hadlang sa ratsada ng Pinoy woodpushers.

Hataw ang nagbabalik-aksiyon na si Grandmaster Julio Catalino Sadorra para sandigan ang Philippine men’s team sa impresibong 3.5-.5 panalo kontra South Africa sa ikalimang round ng 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.

Dalawang araw na nagpahinga sa ospital si Sadorra matapos makaramdam ng pananakit ng ulo sa kanyang laro sa Round 2.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa kanyang pagbabalik laro, siniguro niya na mabibigyan ng inspirasyon ang koponan sa naitalang panalo kontra GM Kenny Solomon sa ika-62 sulong ng Nimzo-Indian Defense sa Board 1.

Patuloy naman ang pamamayagpag sa indibidwal play ni GM Eugene Torre, habang nakapuntos din si GM Rogelio Barcenilla, Jr. Dinaig ng 62-anyos na si Torre, nasa ika-22 sabak sa Olympiad, si International Master Watu Kobese sa Board 3, habang ginapi ni Barcenilla si IM Donovan Van den Heever sa Board 4.

Nakihati lamang puntos si GM John Paul Gomez kontra kay IM Daniel Cawdery sa Board 2 upang kumpletuhin ang ikaapat na panalo ng koponan.

Mas matindi naman ang itinalang panalo ng women's team na binubuo nina WIM Janelle mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Catherine Secopito pati si WFM Shanian Mae Mendoza na winalis ang Algeria na binubuo nina WIM Sabrina Latreche, Amina Mezioud, Amira Hamza at Hayat Toubal.

Nanatiling malinis ang karta ni Frayna, kasalukuyang women's national champion at tumapos na ikalima sa ginanap na World Juniors sa India, sa natipong 3.5 puntos sa dalawang panalo at tatlong draw kabilang ang laban kontra Nana Dzagnidze ng Georgia at Harika Dronavalli ng India, na kapwa bitbit ang GM title.

Ang 19-anyos na Far Eastern U Psychology Cum Laude candidate na si Frayna ay asam ding makuha ang ikatlo at huling norm na makapagtatala dito sa kasaysayan bilang unang Pilipinang Women's GM .

Ang torneo, na may 11-round Swiss System format, ay magpapahinga ng isang araw bago muling magsimula ngayong hapon.

Makakasagupa ng 53rd seed Pinoy ang 12th seeded na Norway, na kasalukuyang pinamumunuan ni defending world champion GM Magnus Carlsen sa ikaanim na round.

Makakatapat naman ng 46th seed na women’s team na nakapagtipon ng kabuuang 13 puntos para umagat sa ika-27 pangkalahatang puwesto ang seeded 57th na Mexico na bitbit naman ang kabuuang 14 puntos.

"It will be tougher the last six rounds so the team should take advantage of the break," sabi ni GM Jayson Gonzales, ang National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive director at women team captain. (Angie Oredo)