Sharp As Ever at Our Angel’s Dream, ratsada sa Philracom races.
CARMONA, Cavite – Hindi naging sagabal ang maputik na daan at pabugso-bugsong pagulan para maihanda at maakay ni Jockey CV Garganta ang Sharp As Ever para sa kampeonato sa Philippine Racing Commission Cup kamakailan sa San Lazaro Leisure Park.
Nakamit ng Sharp As Ever ang top prize na P240,000 kaparehong premyo na napagwagihan ng Spring Collection sakay si MM Gonzales sa Manila Jockey Club Cup.
Napagwagihan naman ng Our Angel’s Dream sakay si Jockey Conrad Henson ang fifth leg ng Philracom’s imported/local challenge race na may premyong P300,000.
“It was an exciting day for race fans,” sambit ni Philracom Chairman Andrew Sanchez.
“From the races in the Ramon Bagatsing Centennial Classique down to our very own (Philracom) races, I think everyone went home with satisfied with the top-quality races that we offered.”
Samantala, nagabayan ng nine-year-veteran jockey na si Arnold Asuncion ang four-year-old mare Atomicseventynine para gapiin ang liyamadong Love To Death para sa kampeonato sa 1750-meter 2016 Resorts World Manila-Challenge of Champions Cup.
Ginamit ni Asuncion ang diskarte sa krusyal na sandali para lagpasan ang karibal at paborito ring Kanlaon at Court of Honour tungo sa impresibong panalo.
Naitala ng Atomicseventynine ang bilis na isang minuto at 45.4 segundo. Bumuntot ang Kanlaon sakay si Val Dilema at pangatlo ang Haley’s Rainbow ng RA Base.
Nakamit ni Asuncion at trainer A.L. Francisco ang P600,000 mula sa P1 milyong premyo.
Inihanda ni Asuncion ang alaga sa Naic track kung saan sinukat nito hindi lamang ang lakas ng alaga kundi ang ugali nito.
“Pag mainit ang ulo ng kabayo ko, hindi nagpapaawat. Kaya naturuan namin sa Naic. Mga 1950 meters din yung haba. Napalamig ko ang ulo,” sambit ni Asuncion.