POSIBLENG masuspinde ang ilang player – higit yaong direktang sangkot – sa free-for-all sa pagitan ng defending champion Letran at San Beda College nitong Biyernes sa second round ng NCAA Season 92 basketball tournament sa San Juan Arena.

Ayon kay NCAA commissioner Andy Jao, nasa proseso pa ang management committee (Mancom), para rebisahin ang video recorder sa kaganapan at hinihintay pa ang resulta ng report ng magkabilang koponan.

“We can come up with a decision until such time. Nasira ang recorder ng ABS CBN, so we still have to wait,”pahayag ni Jao.

“But under the existing FIBA rules, definitely may parusa sa ganitong klaseng sitwasyon,” aniya.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kasalukuyang nasa five-game losing skid ang Knights at nakatakdang harapin ang wala pa ring panalong College of Saint Benilde sa Martes, habang makakaharap ng Red Lions ang Mapua sa Huwebes.

Nagsimula ang komosyon nang sikuhin ni Jerick Balanza ng Letran si San Sebastian guard Jomari Presbitero sa isang rebound play.

Nauna nang siniko ni Bong Quinto si Presbitero sa kanyang tangkang hawiin ito bilang harang sa tangka niyang pagbuslo.

Hindi pa rito natapos ang lahat dahil pagkatapos ng laro muntik na ring magpang- abot ang magkababayang sina Mcjour Luib at Jun Bonsubre.

Nakatakdang magpupulong sina Jao at Management Committee chairman Jose Mari Lacson ng host San Beda kasama si Letran Mancom representative Fr.Victor Calvo para makapagpalabas ng kaukulang desisyon.

“We will review the tape. If there are violations, we have to ask chairman Mari Lacson to convene maybe on Monday so that we can formulate something that is beneficial to the league,” sambit ni Jao.

“If there are suspensions to be meted out, it should be meted out,” aniya. (Marivic Awitan)