P100M unliquidated fund, nahalukay ng PSC.

Walang planong manisi o magsuot ng bayong para magturo ng may sala si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

Sa kasalukuyan, ang tanging magagawa na lamang niya ay magkamot ng ulo at harapin ang isang tambak na suliranin – habulin ang mga national sports associations (NSAs) at papanagutin na tila hindi nagawa nang nakalipas na administrasyon sa sports agency.

Kabuuang P100 milyon financial assistance na ipinagkaloob ng PSC simula noong 2010 ang hindi naliquidate at nakabinbin pa hanggang sa kasalukuyan sa Commission on Audit (COA).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon kay Ramirez, ito ang suliranin na iniharap sa kanya ng COA at hinahanapan ngayon ng solusyon ng bagong PSC Board.

“It will be the major agenda when we start creating the policies and procedure in extending financial assistance,” pahayag ni Ramirez.

“Kailangan ng matinding “house cleaning,” aniya.

Batay sa record ng COA, ang financial assistance na hiningi ng may 40 NSA ay gastusin para sa pagsasanay umano ng mga atleta, partisipasyon sa international competition at hosting ng iba’t ibang sports event.

Malaking bahagi rin sa nawawalang pondo ang ginamit umano sa grassroots sports program at biyahe ng mga dating opisyal ng ahensiya.

Pinalitan ng PSC Board ang mga appointee ng dating administration na sina chairman Richie Garcia at commissioner Akiko Thompson, Jolly Gomez, Salvador Andrada at Iggy Clavecilla.

Ayon kay Ramirez, ilang NSA na hindi nakapag-liquidate ang nagpalit na nang pamunuan kung kaya’t nahaharap sa suliranin ang pamahalaan kung sino ang papanagutin sa naturang kakulangan.

“This is people’s money. We don’t know kung saan ito napunta dahil walang papeles at resibo na ibinigay sa PSC for proper liquidation. Here lies the problem now, paano kami tutulong ngayon sa mga NSA na ito kung hindi pa nila natatapos yung liquidation sa mga nakalipas na assistance,” sambit ni Ramirez.

“Gusto namin malaman kung hanggang saan na tinungo at ang naging direksiyon ng sports sa ilalim ng PSC sa nakalipas na mga taon.”

“Gustong malaman ng Pangulo natin kung ano na ang inabot ng pondong nakukuha mula sa mga nakasaad sa batas at kung may naging resulta ba sa ibinibigay na pondo?” pahayag ni Ramirez, naging PSC chairman noong 2005 hanggang 2008.

“Maybe by December, we could completely formulate policies or immediately right after the national consultative meeting,” aniya.

“Tignan natin kung anong policies ang epektibo para hindi na maulit ang mga problemang ito. Ibalik ba ang No Liquidation, No funding o iyung No plans, No funding at No programs, No funding policy. Kung ano ang makabubuti sa ating mga atleta at sports in general, iyon siguro ang tahakin natin.”

Sa nakalipas na administrasyon naging panuntunan ang pagbibigay ng pondo sa NSA na inirekomenda ng Philippine Olympic Committee (POC).

Ibinida naman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), sa pamamagitan ni dating treasurer Dr. Jay Adalem ang zero-balance ng asosasyon sa PSC.

“All accounted for. That’s for the record,” sambit ni Adalem.

Umabot sa P1.3 bilyong piso, malaking halaga nito ay nagmula mismo sa bulsa ni SBP president Manny Pangilinan, ang ginastos ng asosasyon sa nakalipas na walong taon para masiguro ang progresibong programa ng Gilas Pilipinas na nagresulta sa pagkalahok ng bansa sa kauna-unahang pagkakataon sa World Championship noong 2015. (Angie Oredo)