Magsasampa ng kaso ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) laban sa empleyado ng isang lending agency dahil sa pagkakasangkot sa illegal recruitment at nahuli sa entrapment operation kamakailan.
Sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na si Alexandra Dassel Balagtas, ng 8 Carat Cash and Credit Inc., ay nangangalap ng overseas Filipino workers (OFW) para magtrabaho sa Taiwan nang walang kaukulang permit mula sa pamahalaan.
Pinapangakuan diumano ni Balagtas ang mga aplikante na ipadadala ang mga ito sa Taiwan bilang beautician at caregiver kapalit ng P120,000 bayad. Bahagi ng pangungumbinsi nito ang alukin ang mga biktima na mangutang ng pera sa 8 Carat Cash and Credit Inc., sabi ni Cacdac sa kanyang official Facebook account.
Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang mga kasabwat ni Balagtas na kinilalang sina Rebecca Ablao, Bryan Bautista, at Bryan Deloria.
Ang kasong illegal recruitment ay may parusang pagkakakulong at multa depende sa laki ng operasyon.
(Samuel Medenilla)