Isasagawa ang isang full marathon sa ikalawang sunod na taon sa kasaysayan ng takbuhan sa bansa sa pamamagitan ng makabuluhang kumpetisyong gaganapin sa Marine Base Gregorio Lim sa Ternate, Cavite.
Kilala sa tawag na 2nd Philippine Marine Corps Marathon, ang 4-in-1 footrace ay tatampukan ng 42.195-km na rutang may mga side event na 25-km., 10-km at limang kilometrong ruta.
Ito ang tinalakay ng mga punong abalang sina Chief of Staff, Philippine Marine Corps (PMC) Col. Ariel Caculitan, PN (M), PMC Officers Spouses Assn., Inc. prexy Ana Parreno at race director Jonel Mendoza ng Frontrunner Magazine sa isang pagpupulong sa tanggapan ng ahensiya sa Fort Bonifacio sa Lungsod ng Taguig.
Ang 4-in-1 footrace, na aalpasan sa pagpapaputok ng kanyong 105- Howitzer sa Oktubre 30, ay magtatapos sa pamamagitan ng isang "boodle fight" o military style na "buffet" na pagkain, dagdag sa Finisher's Dog Tag at Event T-shirt sa half at full marathon finishers.
Bukod sa libreng paggamit ng beach resort matapos ang karera ay mapupunta rin sa PMC Warrior Rehabilitation & Re-Integration Program, ang kikitain bilang pantustos sa mga pangangailangan ng kasundaluhan.
Sa mga nais lumahok at makatulong, bisitahin ang website na frontrunnermagcom.ph. o mag-email kay Information Officer Capt. Ryan Lacuesta sa [email protected]. (Angie Oredo)