Abot-kamay na ni Philippine No. 1 at Women’s International Master (WIM) Janelle Mae Frayna ang pagiging unang WGM ng Pilipinas matapos maitala ang ikaanim na panalo kontra WIM Catherina P. Michelle ng India sa krusyal na Round 10 ng FIDE World Junior Chess Championships 2016 (para sa boys at girls under 20) sa Bhubaneswar, Odisha, India.
Gamit ang puting piyesa, binigo ng 19-anyos at graduating Psychology student na si Frayna (2292) sa 55-moves ng Kings Indian opening ang 17th seed na si Michelle (2205) upang tipunin ang kabuuang walong puntos mula sa kanyang anim na panalo at apat na draw sa torneo na may kabuuang 13 round.
Base sa panuntunan ng torneo, posibleng igawad ang GM at IM norms sa mga manlalaro na magpapakita ng mahusay na paglalaro kontra sa kanilang kalaban na may titles/ratings ayon sa FIDE Handbook requirements.
Dahil sa kanyang pagpapamalas ng husay ay posible nang igawad kay Frayna ang kanyang ikatlo at huling norm bunga ng nakamit nitong walo sa posibleng 10 puntos. Gayunman, maaari rin itong agad tanghaling unang Pilipina na naging WGM kung tatanghaling kampeon sa torneo.
Muli namang nabigo para mahulog sa 39th place ang 21st seed WFM Shania Mae Mendoza (2191) upang magkasya sa natipon nitong 4½ puntos para makihalo sa 10-kataong 31st to 41st place. Nabigo si Mendoza sa 42nd seed na si Kannamma P Bala (2039) ng India.
Samantala umangat sa ika-11 puwesto sa Open category si International Master Paolo Bersamina (2402) patungo sa huling tatlong round para makatipon ng kabuuang 6½ puntos at makisalo sa 7th to 11th place. Nahulog naman sa ika-74 sa kasaling 80 si Paul Robert Evangelista (2020) matapos muling mabigo at maiwan sa tatlong puntos. (Angie Oredo)