Mayroong totoo, pero karamihan ay kasinungalingan.

Ito ang sinabi kahapon ni Senator Leila De Lima, ngunit muling iginiit na ang mga paratang sa kanya ni Pangulong Duterte tungkol sa pagkakaroon niya ng kaugnayan sa mga big-time drug lord at ng relasyong immoral ay pawang “distortions, exaggerations and lies.”

“Ang nakikita ko po kasi ngayon, parang hindi na alam ng tao ngayon alin ang totoo d’yan, alin ang hindi. Totoo ba ‘yan, kasinungalingan ba ‘yan?” sinabi ni De Lima sa isang panayam.

“This is what I can say at this point. Okay, may kaunting totoo d’yan, pero karamihan d’yan, exaggerations, distortions and lies. And foremost of the lies, is ‘yung sinasabing na may nangongolekta para sa akin sa Bilibid.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

That is an absolute lie,” aniya.

Humarap sa media nitong Huwebes si De Lima upang kondenahin ang personal umanong pag-atake sa kanya ng Pangulo at umapela rito na huwag nang idamay ang kanyang pamilya, mga kaibigan at mga kasama sa trabaho.

Ito ay kasunod ng pagbubunyag ng Presidente na si De Lima ay isang “immoral person” na may relasyon sa kanyang driver na si Ronnie Palisoc Dayan, na umano’y nangongolekta ng drug money para sa senador mula sa New Bilibid Prison.

“Now, magtatanong kayo, bakit hindi nabanggit ‘yan kahapon? Matagal ko na ho dine-deny ‘yan. Madalas ko na ho dine-deny ‘yan sa mga various interviews. Because remember these are the insinuations na protektor ako, coddler ako ng drug lords or drug convicts, dahil nakikinabang ako. I’m on their payroll, sinasabi nila. Or nag-contribute sila sa campaign funds ko.

“But, ilang beses ko na ‘yan dine-deny. So, I’m denying it again. (That’s) an absolute lie; that’s completely false! I would never do that because I’ve never betrayed my oath as a public servant and I don’t intend to betray my oath as a public servant, lalo na may mandato ako sa taumbayan.

“So that’s what I can tell you right now. You know, bakit completely silent ako. It’s very difficult for me kasi, I don’t want to be publicly engaging na paisa-isa ko i-explain ‘yan, etcetera.

“But this what I can tell you. We’ve seen some snippets of facts; snippets of truths, but the bulk of it are distortions, exaggerations, and lies,” anang chairperson ng Senate committee on justice and human rights.

Sa kabila nito, sinabi ni De Lima na hindi siya natitinag sa dalawang-araw na imbestigasyon ng Senado sa sunud-sunod na extrajudicial killings, na sisimulan sa Lunes.

Inaasahang dadalo sa pagdinig sina Philippine National Police (PNP) Director Gen. Ronald Dela Rosa, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isidro Lapeña, National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran, Interior and Local Government Secretary Ismael Sueño, at Commission on Human Rights (CHR) Chairman Chito Gascon.

UMANI NG SUPORTA

Pinayuhan naman si De Lima ni Senator Bam Aquino na huwag matakot at huwag matinag sa harap ng personal na pag-atake sa kanya.

“Nakakalungkot na naging personal na ang mga atake kay Sen. Leila de Lima ngunit sana’y huwag siyang magpatinag at walang takot na hanapin ang katotohanan at hustisya sa pagdinig ng Senado sa Lunes,” ani Aquino.

Sinegundahan naman ito ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, iginiit na hindi dapat na matakot ang mga senador na makikibahagi sa imbestigasyon dahil ginagampanan lamang nila ang kanilang tungkulin sa bayan.

“I admire the determination of De Lima,” ani Pabillo. “I hope the probe would really be true and the senators be not cowed.”

Ito rin ang mensahe sa senadora ni Huwag Kang Papatay Movement convenor at Archdiocese of Manila Public Affairs Ministry Director Father Atillano Fajardo.

“Dapat siyang magpakatatag. Dahil hindi madali ang ginagawa niya. Huwag siyang patitinag, ang ipinaglalaban niya ay para sa bayan, kaya ipagdasal natin siya,” sabi ni Fajardo nang kapanayamin ng Radyo Veritas.

“Tayong lahat ay may pinagdaaanang mga kahinaan, kasalanan, at nabigyan ng pagkakataon na magbago at patawarin. Iyan ang pagkakataon na hindi naibigay sa mga napaslang,” dagdag pa niya.

(HANNAH TORREGOZA, LEONEL ABASOLA, MARY ANN SANTIAGO at LESLIE ANN AQUINO)