APTOPIX Rio Olympics Athletics

‘I’m trying to be one of the greatest. Be among Ali and Pele’ – Usain

RIO DE JANEIRO (AP) — Kung may nalalabing kritiko para sa titulong ‘Greatest Of All Time’ ni Usain Bolt, tiyak na magbabago na ang kanilang pananaw sa Jamaican superstar.

Tulad ng inaasahan, nakopo ng 30-anyos sprint star, ang 200-meter title – ikatlong sunod sa Olympics at ikawalo sa kanyang career sa quadrennial Games – na walang banta ng karibal.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa kanyang pagtakbo ang tanging hinahabol ni Bolt ay oras.

At sa kanyang huling sabak sa Olympics, bigo si Bolt na lagpasan ang sariling marka na siyang pakay niya.

Nailista niya ang bilis na 19.78 segundo, .58 segundo ang layo sa sariling marka.

“I’m always happy for the win,” pahayag ni Bolt sa post-race interview ng NBC. “But I wanted a faster time.”

Gayunman, ang panalo ni Bolt ang kumumpleto sa kampanya niyang double three-peat matapos pagwagihan din sa ikatlong sunod na Olympic ang 100-meter run. Target niya ang trifecta para sa ika-9 na gintong medalya sa pagsabak sa 4x100 relay sa Biyernes (Sabado sa Manila).

Nakamit ni Andre de Grasse ng Canada ang silver medal, may .24 segundo ang layo, habang napunta kay Christophe Lemaitre ng France ang bronze.

Umalingawgaw sa Olympic Stadium ang hiyawan na “Usain Bolt, Usain Bolt” ng mga tagahanga na ginantihan naman niya ng pasasalamat, pagkaway at pagsayaw habang balot ang katawan ng bandila ng Jamaica.

Nanatili namang matatag ang kanyang marka na 19.19 na naitala sa world championship noong 2009. Binura nito ang dating record na 19.30 na naitala niya sa 2008 Beijing Olympics.

Wala nang dapat patunayan si Bolt sa larangan ng athletics. At kung meron pa siyang nais marating, ito’y ang mapabilang sa listahan ng mga tinaguriang greatest athlete.

“What else can I do to the world to prove I am the greatest? I’m trying to be one of the greatest. Be among Ali and Pele,” pahayag ni Bolt .

“I hope after these games, I will be in that bracket.”