RIO DE JANEIRO (AP) — Nakopo ni Rafael Nadal ang ikalawang Olympic tennis gold medal nang magwagi ang tambalan nila ni Marc Lopez kontra Florin Mergea at Horia Tecau ng Romania, 6-2, 3-6, 6-4, sa men’s double final ng tennis competition sa Rio Olympics nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Nasungkit ni Nadal, 14-time champion sa Grand Slam, ang Olympic gold sa men’s single noong 2008 Beijing Games. Ito ang unang medalya kay Lopez.

Nakamit naman nina Mergea at Tecau ang kauna-unahang medalya ng Romania sa tennis event ng Olympics.

Ginapi naman nina Steve Johnson at jack Sock ng United States ang tambalan nina Daniel Nestor at Vasek Pospisil ng Canada, 6-2, 6-4, para sa bronze medal.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

May pagkakataon si Nadal na madugtungan ang tagumpay sa Olympic sa kanyang pag-usad sa semifinals sa men’s single event.

Pinabagsak ni Nadal ang 54 - ranke na si Thomaz Bellucci, 2-6, 6-4, 6-2, sa quarterfinal match.

Naghahabol din sa kasaysayan si Andy Murray, ang defending champion mula sa Britain matapos makausad sa Final Four nang biguin si Steve Johnson ng United States, 6-0, 4-6, 7-6 (2).

Target ni Nadal ang gold medal round sa pakikipagtuos kay 2009 US Open champion Juan Martin del Potro ng Argentina, habang mapapalaban si Murray kay Kei Nishikori ng Japan.

Magtutuos naman sa women’s final sa Sabado (Linggo sa Manila) sina Monica Puig ng Puerto Rico kontra Angeliique Kerber ng Germany. Pinatalsik ni Puig si two-time Wimbledon champion Petra Kvitova ng Czech Republic, 6-4, 1-6, 6-3,sa semifinals, habang nagwagi si Kerber kay Madison Keys ng US, 6-3, 7-5.