Inatasan ni Pangulong Duterte ang mga awtoridad na arestuhin at ipa-deport ang mga dayuhan na napaulat na nagtuturo ng ideyolohiyang terorista sa Mindanao.

Sinabi ng Pangulo na ang mga dayuhang guro na ito ay napaulat na namataan sa ilang bahagi ng Mindanao at dapat na madakip bago pa magkaroon ng mga tagasunod sa bansa.

“I have been informed that a lot of Caucasian-looking people are conducting teachings. Walang armas, wala lahat except the guys and education. They are foreigners,” sinabi ng Pangulo sa press conference sa Davao City nitong Huwebes ng gabi.

“I told the military to validate it, and arrest all of them and we will deport them for acts inimical to (the country),” dagdag niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nauna rito, inihayag ng Pangulo sa pagbisita niya sa isang kampo ng militar sa Zamboanga del Sur nitong Miyerkules na magkakaroon ng problema ang bansa sa Islamic State (IS) “in three to seven years” kung hindi agad na matutugunan ang bantang ito.

Matatandaang ilang beses nang pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sinasabing presensiya ng IS sa Mindanao.

BANTA SA MISS U

Kahapon, sinabi ng militar na hindi pa nila nakukumpirma ang authenticity at pinanggalingan ng umano’y video ng IS na nagbabantang isasabotahe ang pagdaraos ng Miss Universe 2017 sa bansa sa Enero.

“That notwithstanding, we are taking the threat seriously. As in any threats, whether verified or not, it behooves the AFP—in coordination with the Philippine National Police (PNP) and other counterpart agencies—to take appropriate measures to counter the threats,” saad sa pahayag ni Marine Col. Edgard Arevalo, hepe ng AFP-Public Affairs Office.

Kaugnay nito, hinimok ni Arevalo ang publiko na manatiling kalmado at muling binigyang-diin na walang aktuwal na banta ng IS sa bansa.

Napaulat din kahapon, batay sa pahayag ng isang source, na puntirya ng ilang lokal na tagasuporta ng IS—ang Abu Sayyaf Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Kilaffa Islamic Movement—ang mga kapistahang Pinoy upang maghasik ng kaguluhan, gaya ng Kadayawan ng Davao City, Kalivungan ng North Cotabato, at Tempupu ng Kidapawan City.

Kinumpirma naman ito ng mga tauhan ng intelligence community, sinabing pinaigting na ang “surveillance operations” sa mga okasyong dinadayo ng mga dayuhan, kasama na ang mga tourist site.

(May ulat ni Ali Macabalang) (GENALYN KABILING at FRANCIS WAKEFIELD)