HERO copy

KINUMPIRMA ng nakausap naming isa sa mga may mataas na katungkulan sa Quezon City Hall na may isang kasamahan sila na nagpositibo sa drug test na isinagawa kamakailan.

Ayon sa aming source, wala siya sa posisyon para magbangit ng pangalan ng nasabing kasamahan nila na nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Pero kalat na sa social media at naglabasan na rin sa mga print media na ang bagong councilor ng Fourth District na si Hero Bautista na kapatid ni Mayor Herbert Bautista ang nagpositibo sa drug test.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Well, wala pa namang kumpirmasyon na siya na nga at sa pagkakaalam ko batay sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, eh, mahigpit na ipinagbabawal na pangalanan ang kung sinumang nagpositibo,” sey ng kausap naming incumbent official.

Nagtungo kami sa opisina ni Konsehal Hero pero ayon sa isa sa mga staff niya na nakausap namin, hindi makakarating ang konsehal sa araw na ‘yun dahil nasa isang importanteng meeting.

Pero binanggit ng kausap namin na kung ang sadya namin ay para sa naturang na pinag-uusapang isyu ay bumalik na lang daw kami sa Lunes, August 15 dahil may gagawing “privilege speech” si Councilor Hero sa Konseho.

May mga ulat nang lumabas na inamin ni Mayor Herbert sa isang executive meeting na ang kapatid niya ang nagpositibo sa illegal drugs. Kinumpirma ito ng Quezon City Hall information officer na si Ares Gutierrez na nagpahayag din na nakatakdang mag-leave of absence si Hero para sa kanyang anim na buwang rehabilitation treatment.

Sinabi naman ni Vice Mayor Joy Belmonte na magtatalaga si Majority Floor Leader Franz Pumaren ng caretaker habang nakabakasyon si Hero. (Jimi Escala)