Umaabot sa 116 pulis ang nagpositibo sa drug test, kung saan matapos ang confirmatory test ay isinailalim agad sa summary dismissal.
Ang sabay-sabay na pagsibak sa mga pulis ay inihayag ni Senior Supt. Faustino Manzanilla, Executive Officer ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management.
Sila ay bahagi ng 75,964 pwersa ng Philippine National Police (PNP) na isinalang sa mandatory drug testing noong August 10.
59 city hall employees positibo rin
Sa Valenzauela City, 59 empleyado ng city hall ang nagpositibo rin sa droga.
“These 59 employees who tested positive for illegal drug use will receive their termination order next week,” ayon kay Mayor Rex Gatchalian.
Sinabi ng alkalde na tutulungan niyang makapasok sa outpatient rehabilitation ang mga empleyado at ihahanap ng trabaho kapag nagbago na ang mga ito.
Drug test pa!
Isinalang din sa sorpresang drug test ang mga konsehal at department heads ng Caloocan City.
Ikinagulat ng mga ito ang nasabing hakbang matapos akalaing meeting lamang ang dahilan ng pagpapatawag sa kanila ni Mayor Oscar Malapitan.
Sa tanggapan ng alkalde, hindi na nakalabas pa ang mga konsehal at department heads kung saan agad kinuhaan ng dugo ang mga ito. Nag-negatibo naman umano ang lahat ng isinalang sa drug test.
‘Financial investigation’
Sinisilip na rin ang estadong pinansyal ng mga pulis, ayon naman kay P/Senior Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP.
Hiniling umano nila sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang isinasagawang ‘financial investigation’.
Ayon kay Carlos, ipinag-utos ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa ang imbestigasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa biglang yaman umano ng ibang pulis. (Orly L. Barcala,Fer Taboy at Jel Santos)