MAIGI talaga na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na rin ang nagsusulong ng pagbabalik ng tinaguriang “Mandatory ROTC” o Reserve Officers’ Training Corps. Ibig sabihin, balik sa dating palakad na bago pa makapagtapos sa kolehiyo ang mga mag-aaral ay kailangang nakapag-ROTC ang mga ito. Tumpak ang asta ni Digong dahil ang pangalawang gampanin nito ay bilang “Commander-in-Chief” ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Sa panahon ni PGMA bumahag ang buntot ng Palasyo. Pinabayaang malusaw ang ROTC dahil lang sa isang insidente—ang pagpaslang kay UST ROTC Cadet Mark Chua.

Nangarag makipag-debate ang Malacañang sa mga “matitining at organisadong boses” sa mga unibersidad at kalye. Ewan ko ba kung bakit pilit ipinapako ang pambansang alaala sa nasabing insidente at imahe ng AFP sa kasagsagan ng martial law.

Walang maglakas loob na ibuwal ang ganitong kaisipan sa mas matimbang na kabayanihan ng AFP noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Ang ROTC nanindigan sa Bataan at naglakad sa “Death March”. Sa ilalim ni PNoy, wala ring nangyari! Aminin na lang ng “dilawang pinuno”, malalim ang itinanim na galit kontra sa AFP. Nagugunita ko ang nagdadalamhating ama ni Mark, si Welson Chua, noong nagsalita kami sa Senado sa Komite ni Senator Rodolfo Biazon at nakipagkita pa kay ex-PGMA para lang huwag ibasura ang “Mandatory ROTC”.

Tao ang may kasalanan hindi ang kurso, kaya bakit idinamay?! Ilan sa mga panukala ko noon na maaaring isusog sa kasalukuyang RA 9163 o ang batas ng NSTP: 1) Palitan ang pangalan ng ROTC para sa basic course, dahil hindi ka naman Reserve officer pag-graduate. Halimbawa, HDT –Home Defense Training, o CST – Citizen Soldiers Training atbp. Ang ROTC ay para sa mga nag-advance ROTC lang; 2) Bilang panimula, gawing Mandatory ROTC sa mga State Colleges & Universities.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang mga “Iskolar ng Bayan”, bayad ng buwis ng mamamayang Pilipino tapos lulusot at didiskarte na ayaw manindigan sa pagtatanggol sa sariling sambayanan. Ano yun?!; 3) Alisin na ang pang-Sabado/Linggo na ROTC. Palpak ang ganitong estilo ng pagtuturo dahil wala talagang natututuhan ang bata. Sa pananaw nila, pampagulo lang ito sa kanyang pangunahing kurso at gimik tuwing Linggo. Ipalit ang “One Summer ROTC”. Maaaring pumili ang mag-aaral ng isang bakasyon, bago magtapos, at mula Lunes-Biyernes, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, karga na nito ang buong dalawang taon ng basic ROTC; 4) Kahit man lang kalibre .22 na rifle makapaputok lahat. (Erik Espina)