BALIK-PILIPINAS muna si Sandara Park dahil may trabaho siya rito, makakasama siya nina Vice Ganda at Yeng Constantino bilang mga hurado sa bagong reality show ng ABS-CBN na Pinoy Boyband Superstar na magsisimula sa Setyembre at tatagal hanggang Disyembre.
Yes, Bossing DMB ka-join ang Pambasang Krung-Krung nina Vice at Yeng at parang nakikinita na namin na masaya ang batuhan nilang tatlo, tulad din ng judges sa The Voice Kids na sina Sharon Cuneta, Bamboo at Lea Salonga.
May ‘K’ namang maging hurado si Sandara dahil bokalista siya ng grupong 2NEI, ang sumikat na Korean girl group na nagpakilala naman sa kanya internationally as Dara.
Gayundin naman si Yeng, na bago pa man sumali sa Pinoy Dream Academy ay may banda na at naggi-gigs na rin. Bukod dito, singer/songwriter at isa pa sa hurado sa “Tawag ng Tanghalan” segment sa It’s Showtime kaya alam na niyang tumingin sa may talent pagdating sa musika.
At si Vice, nakasisiguro kami na bukod sa talento sa musika at stage presence ay maghahanap siya ng mga may itsura o artistahin ang dating. Higit sa lahat, naging hurado na rin ang TV host/actor sa nakaraang Pilipinas Got Talent, ‘no!
Ang Pinoy Boyband Superstar ang papalit sa The Voice Kids Season 3 na magtatapos sa Setyembre. (REGGEE BONOAN)