Rogen Ladon,Yurberjen Herney Martinez

Kampanya ng PH Team sa Olympic gold, nakatuon sa taekwondo at karate.

RIO DE JANEIRO – Maging ang pinaka-inaasahang atleta na susungkit ng gintong medalya sa Rio Olympics ay babalik sa bansa na isang talunan.

Sa kanyang kauna-unahang sabak sa Olympics, hindi naisakatuparan ni light-flyweight Rogen Ladon ang pangakong pedestal sa sambayanan matapos mabigo sa kanyang laban kontra Yurbejen Herney Martinez ng Colombia sa boxing competition ng XXXI Olympiad noong Lunes ng gabi (Martes sa Manila).

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Matapos makakuha ng bye sa draw, kakailanganin lamang ng 22-anyos mula sa Bago City, Negros Occidental, na makapagwagi ng dalawang laban para makasiguro ng bronze medal, sapat para tumaas ang simpatiya para sa world championship medalist na pawiin ang mahabang panahon ng pagkauhaw sa gintong medalya para sa Pilipinas.

Ngunit, iba ang nakatadhana kay Ladon.

Nahirapan si Ladon na sabayan ang mabilis at madiskarteng karibal para maisuko ang kampanya, 3-0. Ibinigay ng tatlong hurado ang iskor na 29-28, 29-28, 30-27.

‘Nahirapan ako gumalaw,”pahayag ni Ladon.

Bunsod ng kabiguan, tuluyang nawalis sa laban ang dalawang Pinoy boxer at nahila ang mapait na kabiguan ng boxing team sa Olympics sa nakalipas na limang edisyon. Natalo rin si Charly Suarez sa kanyang opening round match nitong Linggo kontra Joe Cordina ng Great Britain.

Huling nagwagi ng silver medal sa quadrennial Games ang boxing sa pamamagitan ni Mansueto ‘Onyok’ Velasco noong 1996 Atlanta Games.

Napawi ang 20 taong kabiguan sa medalya ng bansa sa Olympics nang masungkit ni weightlifter Hidilyn Diaz ang silver medal sa women’s 53 kg. competition nitong Lunes.

Bilang unang Pinoy silver medalist sa Olympics matapos ang 20 taon at kauna-unahang weighlifter at babaeng nagwagi ng medalya sa kasaysayan ng paglahok ng bansa sa Olympiada, nakatakdang tanggapin ng 25-anyos na si Diaz mula sa Zamboanga City ang tumataginting na P5 million mula sa pamahalaan at pabahay na kaloob ng 8990 Deco Homes – pinakamalaking Realty Holdings company sa Davao City.

Inaasahang madadagdagan ang cash incentives ni Diaz na inaasahang magmumula kay Pangulong Duterte, Senador Manny Pacquiao at lokal na pamahalaan ng Zamboanga City.

Inihahanda na rin ang ‘Hero’s Welcome’ para kay Diaz.

Ang pagkakataon na makasama ni Diaz sa ticker-tape parade ay nakasalalay na lamang kina long jumper Elma Muroz, marathoner Mary Joy Tabal at 400m hurdler Eric Cray sa athletics event na magsisimula sa Sabado.

Nakatakda ring simulan nina taekwondo jin Kristine Alora, karateka Kodo Nakano at golfer Miguel Tabuena ang kampanya sa Biyernes.