Humakot ng oposisyon ang planong ilagak sa Libingan ng mga Bayani ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Mariing tinutulan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang planong hero’s burial kay Marcos, dahil wala anilang katotohanan na naging isang ‘war hero’ ang dating Presidente at tumanggap ng maraming medalya dahil sa kanyang kabayanihan.
Ayon kay NHCP chairperson Maria Serena Diokno, hindi dapat bigyan ng naturang pagkilala ang dating Pangulo dahil ang mga pahayag sa kabayanihan nito ay kaduda-duda at hindi napatunayan.
Sa isinagawa aniyang pag-aaral ng NGCP hinggil sa pagiging wartime hero ni Marcos ay natuklasan nilang hindi totoong tinanggap ng dating Pangulo ang mga medalyang sinasabing tinanggap niya tulad ng Distinguished Service Cross, Order of the Purple Heart, at Silver Star.
Natuklasan rin aniya nila na ang guerilla unit na tinatawag na ‘Ang Maharlika’, na sinasabing binuo ni Marcos noong panahon ng mga Hapon, ay hindi kinilala ng Estados Unidos.
Nadiskubre rin aniya nila na walang katotohanan na may tinambangan ang grupo ni Marcos na mga siklistang Hapones noong unang araw ng 1942, na nagresulta sa pagkamatay ng 40 katao.
“Sa kasaysayan kasi kapag may claim o posisyon na napatunayang hindi totoo, iyon po ay hindi tinatanggap ng mga historyador. Hindi po siya fact,” ani Diokno, sa isang panayam sa telebisyon.
Ipinaliwanag rin niya na isinagawa nila ang pag-aaral at pakikipanayam sa ilang mga sources, kabilang ang mga historical archives at mga historians, simula nitong Hulyo 12, bunsod nang pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na karapat-dapat lamang na ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos dahil isa itong sundalo.
Naipadala na rin aniya nila ang resulta ng kanilang pag-aaral sa Malacañang, na may pamagat na “Why Ferdinand E. Marcos Should Not Be Buried at the Libingan ng mga Bayani” at inirekomenda sa pangulo na huwag ituloy ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani dahil sa kanilang mga natuklasan.
Gayunpaman, dapat pa rin umano sa Libingan ng mga Bayani si Marcos, ayon naman kay Sen. Leila De Lima.
“Alam niyo, ni-review ko yung batas tungkol diyan. Talaga namang hindi tama rin na...walang standards ang batas, except to enumerate ‘yung mga sino ang puwedeng, you know—military personnel, former presidents, former dignitaries, soldiers, etcetera. Pero walang standards,” ani De Lima.
“So wala akong nakikita so far na legal impediment,” dagdag pa nito.
Burial site ni Marcos, minarkahan na
Bumisita sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Santiago noong Biyernes ang partido ni dating Pangulong Ferdinand Marcos upang tingnan ang posibleng paglilipatan ng labi ng dating presidente ng bansa na nagsilbi mula 1965 hanggang 1986, ayon kay Philippine Army spokesman Col. Benjamin Hao.
Nagbigay na ng go-signal si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglilipat ng labi ng dating pangulo at sundalo sa Libingan ng mga Bayani.
“Actually, nandun sila sa site area, tinakpan pa nila ‘yung site area na preferred nila. Pero wala pang directive ha, that is just anticipation,” sabi ni Hao.
“Apparently there was an advance party anticipating… the advance party from the Marcos family looking at preparing the site. Coordination was made.” Nilinaw ni Hao na wala pa silang tumpak na detalye at ang mga ito ay posibilidad pa lamang. - Francis Wakefield, Mary Ann Santiago at Hannah L. Torregoza