“Handa naman ako mag-sorry kung nagkamali ako. Ginagawa ko lamang ang obligasyon sa taumbayan na malaman ang sitwasyon sa bansa.” Ito ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pagsisiwalat ng pangalan ng mga inaakusahang sangkot sa droga.

Mabilis ding inako ng Pangulo ang obligasyon sa ‘drug list’, na ayon sa mga eksperto ay hindi basehan upang arestuhin ang mga isinasangkot.

“I could be wrong. This is not a trial, and I’ll say I’m sorry. But you know, my wrong is inferior to my duty. Kaya kung nagkamali ka, sabi ko, kung may managot diyan, akin iyan,” ayon sa Pangulo.

PNP sinugod ng local execs, pulis at militar

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sunud-sunod namang naglabasan ang mga personalidad na isinama sa drug list at sinabing handa silang humarap sa imbestigasyon, handang magpa-drug test at handang patunayan na wala silang kinalaman sa droga.

Nang dumagsa ang 27 local executives na pinangalanan sa drug list, inatasan ni PNP Chief, Director General Ronald Dela Rosa ang Internal Affairs Service (IAS) para tulungan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagdaraos ng imbestigasyon.

“Our Criminal Investigation and Detection Group will take charge of the mayors and other local executives. The IAS, on the other hand, is tasked to do that for the active policemen,” ayon kay Dela Rosa.

Bukod sa 27 local executives, 31 active at retiradong pulis ang pumila sa Camp Crame upang magpaimbestiga.

Sinabi ni Dela Rosa na lulobo pa ang bilang ng mga ito sa mga susunod na araw.

Kabilang din sa mga lumutang sina dating Surigao del Norte 2nd District Rep. Guillermo A. Romarata, Jr. at dating Mayor Jesie U. Aguilera ng Alegria.

Humarap sila kay Chief Supt. Rolando B. Felix, regional director ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13), kung saan binigyang diin ng mga ito na hindi totoo ang paratang.

Sa halip namang sumuko, nagpadala ng liham ang magkapatid na Sultan Fahar ‘Pre’ Salic at Omar ‘Solitario’ Ali, dating mga alkalde ng Marawi City, kina Pangulong Duterte at Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

“Contrary to the report from our detractors and the intelligence community, I had incessantly fought against all forms of criminalities and vices in the Islamic City of Marawi, especially drug menace for the past nine consecutive years as City Mayor, until I ran for Provincial Governor of Lanao del Sur in the last synchronized national and local elections,” ayon kay Salic.

AFP kumilos na

Sa Armed Forces of the Philippines (AFP), inumpisahan na ang pagsalang sa imbestigasyon ng mga sangkot din sa drug list.

Ayon kay Marine Col. Edgard Arevalo, AFP Public Affairs Office (PAO) chief, sasalang sa administrative proceedings ang mga militar, ngunit mananaig umano ang due process.

“The AFP will be unrelenting in its campaign against illegal drugs. The full force of applicable military, criminal, and civil laws will be applied without letup,” ani Arevalo.

Arrest warrant muna

Sa panig ng hudikatura, sinabi ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na premature ang pagbubunyag ng mga pangalan ni Pangulong Duterte sa drug list. Pinaalalahanan nito ang mga judges na huwag basta sumuko o humarap sa sinumang police officer hangga’t walang warrant of arrest.

Sa kanyang apat na pahinang liham kay Pangulong Duterte, hiniling din ni Sereno kay Duterte na payagan ang mga pinangalan niyang hukom na patuloy na magbitbit ng kanilang lisensyadong baril hanggang hindi pa sila nasasampahan ng kaso.

Nababahala kasi si Sereno na maging target din ang mga nasabing hukom ng mga nagaganap na extrajudicial killings at sila ay maging collateral damage sa giyera laban sa droga.

(Beth Camia, Mike U. Crismundo, Ali Macabalang, Francis T. Wakefield at Aaron Recuenco)