Muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si exiled Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison, kung saan sinabi ng Pangulo na mayabang ang huli.
“Itong si (Joma) Sison ... akala mo naman sinong magsalita. Ni hindi nga sila makahawak ni isang barangay anywhere,” ani Duterte sa kanyang speech sa Camp Gen. Macarip B. Peralta, Jr., headquarters ng 3rd Infantry Division (3ID) ng Army sa Jamindan, Capiz.
Minaliit ng Pangulo ang ipinapakitang lakas ng Maoist rebels, kung saan sinabi nito na kung magsalita ang grupo, para silang malakas, gayung hindi naman sila makaokupa kahit na isang barangay.
Hindi rin umano nananalo sa eleksyon ang mga kandidatong tinutukuran ng New People’s Army (NPA).
“Hindi sila manalo ng elections sa Davao. Kung hindi sila magsakay sa aking partido, walang manalo doon. It’s only in Davao na may left na maraming official dahil nga sa akin,” ayon sa Pangulo.
“Nayayabangan kasi ako ... as if they are really the ones in power,” dagdag pa ng Pangulo. - Elena L. Aben