TUWING pupunta ako sa Public Information Office (PIO) ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame nitong mga nakaraang araw, nakagawian ko nang kumuha at basahin ang “SCORECARD” ng PNP sa kampaniya nito laban sa droga sa buong bansa.

May titulo itong “Recapitulation on Campaign on Anti-Illegal Drugs” at ang pagbilang ay nagsisimula sa tuwing Hulyo 1, 2016 hanggang sa kasalukuyan.

Kadalasan na itong inilalabas at ibinababa sa PNP Press Corps Lounge sa umaga at nagkakaroon ng update sa bandang hapon kapag may malaking enkuwentrong biglang naganap.

Gaya kahapon ito ang talang nakalagay sa SCORECARD na may petsang JULY 1 – August 2: SUSPECTS KILLED–402; SUSPECTS ARRESTED-5,418; SEARCH WARRANT IMPLEMENTED-427; SUSPECTS VOLUNTARILY SURRENDERED-565,606; NO OF HOUSES VISITED 223,847.

Ang bilang na ito ng mga napapatay na umano’y tulak at adik sa droga sa loob lamang ng 33 araw ay nakakagulat dahil nagpapakita ito na ang tumutumbang mga suspek, na karamihan ay lumalaban daw sa mga operatibang nagtatangkang humuli sa mga ito, ay pumapatak na halos 12 ang natutumba kada araw.

Sa loob ng halos apat na dekada kong pagiging mamamahayag, ngayon lang ako nakaranas ng ganitong pagbilang ng mga napapatay ng pulis araw-araw at nakakarindi talaga.

Magkahalo ang emosyong nararamdaman ko sa ginagawang ito ng PNP – natutuwa ako dahil ngayon lang sa tanang buhay ko, nakikita ang marubrob na hangarin ng liderato ng mga pulis, sa pangunguna ni CPNP Ronald “Bato” Dela Rosa, na labanan ang salot na ito sa lipunan - ang sindikato ng droga na nagpapayaman sa marami nating mga pulis, pulitiko at opisyal ng pamahalaan habang inilulublob naman sa burak ang ating mga kabataan.

Pero bilang isang mamamahayag, sobrang sinusurot ang aking konsiyensiya kapag pumapasok naman sa aking isipan na karamihan sa mga natumbang suspek ay sadyang “winawala” ng handler nilang mga pulis din upang mabura ang lahat ng bakas ng kanilang koneksyon sa mga sindikato ng droga.

Sa pagkamatay ng mga suspek na ito maraming impormasyon ang nasasayang na dapat sana ay mas makakatulong sa kampanya laban sa droga.

Sa madaling sabi, upang ganap na magtagumpay angkampanya ng administrasyong ito ay dapat mailantad din ang mukha ng mga pulis na ito na mga nagbabalat-kayong kaagapay ng PNP sa pakikipaglaban sa droga gayung sila mismo ang mga protektor.

Paano magagawa ito? – hulihin nang buhay ang mga suspek para MAKAKANTA ng nasa tono.

Mag-text at tumawag sa: 09369953459 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)