Inihain sa Mababang Kapulungan ang panukalang 12-taong pagkakulong at P50,000 multa sa mga prank caller.
Batay sa House Bill 2323 o “Anti-Frank Caller Act” na inihain ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, ipapataw ang parusang arresto menor o isa hanggang 30 araw na pagkakakulong at P5,000 multa sa mga lalabas sa batas na ito.
“This bill penalizes prank calling to protect the integrity and proper operation of emergency hotlines. These should be burdened by irresponsible and senseless acts of mischief-makers for these to be able to relay the need for emergency services to the proper responders on time,” sabi ni Biazon.
Nais ni Biazon na bantayan ng panukala ang kaganapan sa 911 National Emergency Hotline na inilunsad noong Agosto 1.
Binanggit ni Biazon na sa 2,475 tawag na natanggap ng gobyerno sa unang pitong oras na naging aktibo ang hotline, 75 lamang ang lehitimo; 1,119 ay dropped calls at 304 ay prank calls.
Para sa ikalawang paglabag, isasampa naman ang arresto mayor o pagkakabilanggo ng isa hanggang anim na buwan at multang P15,000.
Sa ikatlong paglabag, ipapataw ang prison correctional o anim na buwan hanggang anim na taon na pagkakakulong at multang P30,000.
Sa pang-apat at susunod pang mga paglabag, pagkakakulong ng 6 hanggang 12 taon at multang P50,000 ang kaparusahan. - Charissa M. Luci