WALANG hindi matutuwa sa pagtiyak ng pamahalaan na ang susunod na Miss Universe pageant ay idaraos sa Pilipinas sa Enero 30 ng taong ito, makaraan ang 22 taon. Mismong ang Pangulo, sa pamamagitan ni Secretary Wanda Corazon Teo ng Department of Tourism (DoT), ang nagpahiwatig na ang ating pagiging host o punong-abala ay labis na makapagpapasulong ng turismo ng bansa.

Lalong ikatutuwa ng marami ang pahayag ng Pangulo na hindi niya gagastahin ang salapi ng gobyerno para sa naturang paligsahang pangkagandahan. Umaabot sa $11 million o P517 milyon ang ilalaan sa patimpalak; tiniyak na ito ay papasanin ng pribadong sektor at wala kahit isang kusing na manggagaling sa kaban ng bayan. Isa itong malaking kabaligtaran ng nakaraang mga beauty pageant na ginastusan ng iba’t ibang administrasyon; mga pondo na sinasabing nabahiran ng mga kahina-hinalang pamamahala.

Walang alinlangan na ang pagdaraos sa Pilipinas ng Miss Universe pageant ay makaaakit ng mga turista, lalo na kung isasaalang-alang na marami tayong kababaihan na nagtataglay ng pambihirang kariktan. Namumukod-tangi pa halimbawa, ang kagandahan nina Gloria Diaz, 1969 Miss Universe; Margie Moran, 1973 Miss Universe; at ni Pia Wurtzbach, kasalukuyang Miss Universe, isa sa mga nagsikap upang dito ganapin ang naturang timpalak. Hindi malayo na ang kasalukuyang hanay ng mga itinanghal na Binibining Pilipinas (Miss Universe) ay panggalingan din ng tatanghaling pinakamagandang dilag sa buong mundo.

Bukod dito, tiyak na makaaakit din sa mga turista, at maging sa iba pang mga tanyag na mamamayan ng iba’t ibang bansa ang mga kabigha-bighaning tanawin sa Pilipinas. Kung hindi magbabago ang mga plano, ang nakatakdang isang buwang mga pagtatanghal o segments ng beauty pageant ay idaraos sa mga tourist sites sa Palawan, Boracay at Cebu na pawang itinuturing na World’s Best Island 2016.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa bahaging ito ay maitatanong: Hindi kaya mag-atubili ang mga turista at iba pang dayuhang panauhin sa pagdalo sa Miss Universe pageant? Maliwanag na ang naturang pangamba ay nakaangkla sa mga karahasang inihahasik ng mga kriminal, lalo na ang halos kaliwa’t kanang pagdukot ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG). Sumindak sa buong daigdig, halimbawa, ang pagpugot sa dalawang Canadian citizen sa pinamumugaran ng mga ASG. Naging dahilan ito ng pagbabawal ng maraming bansa na dumalaw sa Pilipinas; pinalabas ang ating bansa bilang pinakamapanganib patunguhan ng mga dayuhan.

Dapat paigtingin ngayon ang walang puknat na pagdurog sa ASG at sa iba pang criminal elements bago idaos ang Miss Universe pageant. (Celo Lagmay)