Nag-aagaw-buhay ngayon ang isang mangingisda matapos umanong pagtulungang gulpihin at pagsasaksakin ng tatlo niyang kainuman sa Navotas City, noong Lunes ng gabi.

Ginagamot sa Tondo Medical Center si Orlie Funa, 32, ng block 56, lot 5, Habitat Housing, Barangay Tanza ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis umanong tumakas ang mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas na “Nonoy”, “Toto” at “Angel”, pawang mga kapit-bahay ng biktima.

Ayon sa ulat, dakong 6:30 ng gabi, lumabas ng bahay si Funa at naabutan nito ang mga suspek na nag-iinuman sa gilid ng kalsada.

National

PCO, pinasalamatan Kamara sa pag-apruba ng ₱2.281B proposed budget sa 2025

Lumapit umano ang biktima at sumali na rin sa inuman ng mga kapit-bahay.

Pagkalipas umano ng halos dalawang oras, dala na rin marahil ng impluwensiya ng alak, nagkakulitan ang mga ito hanggang sa pagtulungang bugbugin at pagsasaksakin ng tatlo ang biktima.

Patuloy ang paghahanap sa tatlong suspek. (Orly L. Barcala)