Green, na-expose ang ‘kagitingan’ sa social media.
HOUSTON (AP) — Walang mas mabilis sa isang pindot sa gadget.
Isang butil na aral ang isa pang natutunan ni NBA star Draymond Green matapos siyang malagay sa kahihiyan dulot nang aksidenteng pag-post ng kanyang kaselanan sa kanyang Snapchat account nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Nauna nang sinabi ni Green, All-Star forward ng 2015 NBA champion Golden State Warriors at miyembro ng US Olympic team, sa kanyang Twitter na na-hack umano ang kanyang account matapos lumabas ang naturang larawan.
Ngunit, kalaunan, inamin niyang nagkamali siya dahil sa pagmamadali kung kaya’t nailagay niya ang larawan sa public imbes na private setting.
“It was a situation where it was meant to be a private message and kind of hit the wrong button, you know?” paliwanag ni Green bago ang ensayo ng US Olympic men’s basketball team.
“Like I said, it was meant to be private, but we’re all one click away from placing something in the wrong place and I suffered from that this morning.”
Sunud-sunod ang kinasangkutang kontrobersiya ng 6-foot-7 forward mula nang masuspinde siya sa Game Five ng NBA Finals bunsod nang ganting aksiyon niya kay LeBron James na tumama sa kaselanan nito.
Inakusahan din siya ng pananampal sa isang Michigan State football player na kanyang nakaalitan sa isang restaurant sa labas ng naturang unibersidad kung saan nagtapos din si Green ng kolehiyo.
Iniatras ang reklamong misdemeanour at assult-and-battery sa kanya matapos magbayad ng multang US$560 sa noise violation.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang kontrobersiya, walang pinagsisisihan si Green.
“There’s so many people who struggles on a daily basis, that are going through the struggles on the daily basis, that for me to sit here and say I can’t catch a break because I got suspended for a game in the finals, or I can’t catch a break because of this situation or, like I’m living my dreams, I’m playing in the Olympics,” aniya.
“So to say I can’t catch a break, I think that’s disrespectful to everybody because like, how many people get to live their dream?”
Bawat miyembro ng U.S. team ay may responsibilidad na mag-post ng mga kaganapan sa exhibition tour bago ang Olympics sa kanilang social media account.
Bunsod ng pagmamadali, huli na nang kanyang mapansin na maling account ang pinadalhan niya ng kanyang private message.
“I figured it out pretty quick, but in this world, quick ain’t quick enough,” pahayag ni Green.
“Once it’s out, it’s out.”