ISULAN, Sultan Kudarat – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang alkalde sa Maguindanao na hinihinalang drug lord, makaraang mabigong madakip siya sa raid sa bayang ito nitong Sabado, na nakumpiska ang nasa P1.2-milyon halaga ng shabu, sinabi ng pulisya kahapon.

Parehong nakatakas ang pangunahing target, isang bagong halal na alkalde sa kalapit na bayan sa Maguindanao, at ang itinuturing na kanang-kamay niya, bagamat nadakip pa rin ng awtoridad ang 15 sa mga kaanak ng suspek sa isang bahay sa Barangay Kalawag I sa Isulan, ayon kay Sultan Kudarat Police Provincial Office Director Senior Supt. Raul Supiter.

Pansamantalang hindi pinangalanan ni Supiter ang alkalde at ang aide nito, na napaulat na nakatakas bago pa dumating ang raiding team sa lugar dakong 4:30 ng umaga nitong Sabado.

Sinabi ni Supiter na saklaw ng search warrant ang operasyon, bagamat una nang iginiit ng pulisya na agad makapagpalabas ng arrest warrant para sa mga ikakasang follow-up operation laban sa hinihinalang narco-politico.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Talamak ang pangalan ng suspect” batay sa matagal nang isinasagawang intelligence surveillance, ayon kay Supiter.

Nasamsam sa raid ang 29 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P1.2 milyon, ayon kay Supiter.

Aniya, maraming report ang tumutukoy sa alkalde bilang isang “big-time” dealer na umano’y may sariling shabu laboratory sa kanyang bayan. (Ali G. Macabalang)