CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang buntis habang pitong iba pa ang nasugatan nang isang grupo ng armadong lalaki ang magpaulan ng bala sa mga dumalo sa isang kasalan sa Bukidnon nitong Sabado, iniulat ng pulisya kahapon.

Agad na nasawi si Makinit Gayoran, na ilang buwang buntis sa kanyang panganay, matapos paulanan ng bala ng grupo ni Salusad ang kasalan sa Sitio Tibugawan, Barangay Kawayan sa San Fernando, Bukidnon.

Sa dibdib umano nasapol ng bala si Gayoran.

Lima naman sa pitong nasugatan ay menor de edad—tatlo ang teenager, isang walong taong gulang na lalaki, at isang siyete anyos na lalaki.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa isa sa mga saksi, patapos na ang kasalan nang sumalakay at mamaril ang mga suspek.

“Pinagbabaril nila ang buong komunidad, ngunit nag-concentrate sa bahay na naroon ang nasa 80 katao na dumalo sa kasalan,” anang saksi.

Sinabi ni Supt. Surki Sereñas, tagapagsalita ng regional police, na ang insidente ay posibleng bahagi ng “manggahat” o “pangayaw” (tribal war) na inilunsad ng mga suspek, na pinamunuan ni Aldie Salusad, laban sa iba pang lumad na miyembro o tagasuporta ng New People’s Army (NPA).

Ayon pa kay Sereñas, namamagitan na ang San Fernando Police, mga lokal na opisyal, at mga kinatawan ng katutubo upang mapigilan ang paglubha ng tribal war, habang nakaantabay naman ang Philippine Army. (Camcer Ordoñez Imam)