IKA-31 ngayon ng Hulyo. Huling Linggo ng nasabing buwan. Sa kalendaryo ng Simbahan at ng mga Santo, ginugunita at ipinagdiriwang ngayon ang kapistahan ni San Ignacio de Loyola—ang paring nagtatag ng Kongregasyon ng mga paring Heswita (Jesuits). Bahagi ng pagdiriwang ang misa sa chapel ng Ateneo de Manila University at iba pang paaralan sa iba’t ibang lalawigan na itinayo at pamamahala ng mga paring Heswita. Gugunitain ang buhay at mga nagawa ni San Ignacio de Loyola na bukod sa founder ng Society of Jesus ay naging unang Superior General ng nasabing kongregasyon.

Ayon sa kasaysyan, si San Ignacio de Loyola ay isinilang noong Disyembre 24, 1491 sa Loyola Azpetia, Spain. Bunso siya sa 13 magkakapatid. Noong una ay isa siyang matapang na kapitan ng mga sundalo. Noong 1521, ipinagtanggol niya at ng kanyang mga kasama ang isang kastilyo sa Pamplona, Spain laban sa mga Pranses. Nang masugatan sa binti sa labanan na muntik na niyang ikamatay, sumuko siya at ang kanyang mga kasamahang sundalo. Dinala siya sa kanyang bahay sa Loyola Azpetia, Spain.

Nasabi niya sa sarili na kung nagawa ng mga santo ang kabanalan, iyon ay makakaya rin niyang gawin. Dahil dito, nang siya’y gumaling, nagpasiya siyang isabit ang kanyang espada sa dambana ng Birhen ng Monserra at nagbagong-buhay. Mula sa pagiging isang sundalo ay naging kawal siya ni Jesus. Pagkatapos ay namuhay na parang isang ermitanyo sa isang yungib sa Manresa, Spain. Dito niya sinulat ang kanyang bantog na aklat na “Ejercisios Espirituales” o “Spiritual Exercises” na ginagamit sa retreat at recollection. Naglakbay sa Palestina at pagkatapos mag-aral sa Paris ay bumalik sa Barselona. Itinatag ang kongregasyon ng mga paring Heswita o ang Compania de Jesus/ Society of Jesus noong 1540.

Nangaral at sinugpo ang kamalian ng Protestantismo sa Europa, sa kanilang mga paaralan, aral at mga aklat. Namatay si San Ignacio de Loyola noong Hulyo 31, 1566, makalipas ang 15 taong pamumuno sa Society of Jesus. Na-beatify noong Hulyo 27, 1556. Ang kanyang canonization ay noong Marso 12, 1622 sa panahon ni Pope Gregory XV.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dumating sa Pilipinas ang mga paring Heswita noong 1591, makalipas ang ilang taon, nagtayo na ng mga paaralan tulad ng Ateneo de Manila (University na ngayon), Ateneo de Naga, Ateneo de Davao, Xavier School sa Greenhills, San Juan City, at Ateneo de Zamboanga. Sa Ateneo de Manila nag-aral ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal (pinakasikat na alumnus) matapos niyang umalis sa Unibersidad ng Sto. Tomas nang hindi nagustuhan ang sistema ng pagtuturo. Sa Ateneo de Manila rin nag-aral hanggang sa maging pari sina Fr. Horacio de la Costa, unang paring Pilipino na naging Father Provincial; Fr. James Reuter na naging kolumnista ng Philippine Star; at Fr. Joaquin Bernas, isa sa mga sumulat ng 1987 Constitution na sa bawat pagpapalit ng rehimen ay gustong baguhin ng mga sirkero at payaso sa pulitika at Kongreso.

Bukod sa pagiging kilala ng mga paring Heswita sa larangan ng mahusay na edukasyon, isa pa sa itinaguyod nila ang pagbibigay ng mga retreat. Nagtayo sila ng retreat house sa Novaliches, Quezon City, Cebu City, sa Malaybalay, Bukidnon at sa Angono, Rizal. (Clemen Bautista)