Isang 35-anyos na miyembro ng militanteng grupo ng mga manggagawa ang namatay bago pa man siya makibahagi sa pagmamartsa patungo sa Batasang Pambansa sa Quezon City para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte kahapon.

Nagbiyahe pa patungong Quezon City si Roberto Mapa, magsasaka sa Barangay Centro sa Uson, Masbate, at miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Masbate Chapter, upang makibahagi sa kilos-protesta ng grupo para igiit ang mga karapatan ng mga manggagawa kasabay ng SONA ng Pangulo.

Nagpalipas ng magdamag ang grupo sa isang covered court sa campus ng University of the Philippines sa Diliman, ayon sa pulisya.

Gayunman, hindi na nakadalo pa si Mapa sa martsa patungo sa Batasang Pambansa dahil namatay siya kahapon ng madaling araw.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Roilan Bravo, kasamahan ni Mapa, sa mga imbestigador ng Quezon City Police District (QCPD), na naalimpungatan siya dakong 3:00 ng umaga makaraang marinig ang paghahabol ng hininga ng biktima.

Agad na isinugod ni Bravo si Mapa sa East Avenue Medical Center, pero hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang huli.

Nananatili pa rin sa morgue ng ospital ang bangkay ni Mapa habang sinusulat ang balitang ito.

Ayon sa pulisya, walang natagpuang sugat sa katawan ni Mapa, na isinailalim na sa awtopsiya para matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay, ayon sa QCPD. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)