Kamatayan ang sinapit ng isang hindi kilalang babae makaraan siyang itumba ng kapwa niya umano drug pusher dahil sa hindi niya pagre-remit ng kita sa ilegal na droga sa Parañaque City, nitong Linggo ng gabi.
Patuloy na inaalam ng Parañaque City Police ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang nasa 25 anyos, nakasuot ng sweatshirt na ipinatong sa pulang sando, at itim na shorts. Mayroon siyang tatlong tama ng bala sa ulo at katawan mula sa .45 caliber pistol.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief, Supt. Jenny Tecson, tinutugis na ng awtoridad ang suspek na kinilala sa alyas “Bilo”, isa umanong kilabot na drug pusher, matapos pagbabarilin ang biktima sa overpass ng Ninoy Aquino Avenue sa Barangay La Huerta sa Parañaque, dakong 6:30 ng gabi.
Lumilitaw na ang biktima at ang kanyang live-in-partner na isang alyas “Mago” ay kapwa gumagamit at nagbebenta umano ng droga sa naturang lugar, at kapartner umano nila sa masamang gawain ang suspek.
Isa sa mga anggulong sinisiyasat ng mga pulis ang onsehan sa pinagbentahan ng droga, na pinaniniwalaang labis na ikinagalit ng suspek.
Sinusuri na ang labi ng biktima sa People’s Funeral Parlor. (Bella Gamotea)